Auto Cruise ‘di napigilan sa Don Juan Derby
MANILA, Philippines — Bumilib ang mga karerista sa ipinakitang husay ng Auto Cruise nang sikwatin nito ang korona sa 2026 Philracom 25th Kulb Don Juan De Manila Derby na inilarga sa pista ng Philippine Jockey Club noong Linggo sa Padre Garcia, Batangas.
Sinunggaban ng outstanding favorite Auto Cruise ang bandera paglabas ng aparato at nakawala agad ng dalawang kabayo sa Sea Mischiefs.
Kalmadong dinala ni Patty Ramos Dilema ang Auto Cruise kaya nanatili ang distansya sa humahabol na Sea Mischiefs sa kalagitnaan ng karera.
Pagsapit ng far turn ay unti-unting lumalapit ang Sea Mischiefs sa nangungunang Auto Cruise, habang nasa tersero ang My Happy Place.
Subalit hindi na pinaporma ni Dilema ang kalaban at pinakawalan ang Auto Cruise upang umunat muli sa dalawang kabayo ang lamang pagdating sa huling kurbada.
Magaang na tinawid ng Auto Cruise ang meta at nanalo ng pitong kabayo ang lamang sa pumangalawang Sea Mischiefs, tersero ang My Happy Place at pang-apat ang Simply The Best.
Inirehistro ng Auto Cruise ang impresibong tiyempo na 1:52 minuto sa 1,800 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Anthony Eugenio ang P900,000 premyo, habang nasungkit ng Sea Mischiefs ang second place prize na P337,500.
- Latest

















