Maris, naka-tie si Maricel sa Best Actress!

Inabot ng apat na oras ang 42nd Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club o PMPC noong Linggo, October 25 na ginanap sa Winford Hotel.
Sa kanilang 42 years na pamamahagi ng award, 42 awards din ang kanilang ipinamigay kasama na roon ang mga special award na ang iba ay tinanong namin kung para saan.
Sa major awards ay tie sina Maris Racal (Sunshine) at Maricel Soriano (Meet, Greet, and Bye).
Sa Best Actress category.
Sa Urian ay ka-tie ni Maris si Odette Khan. Sa PASADO ay si Charo Santos, naman ang ka-tie ng Kapamilya actress.
At sa The Eddys lang siya walang naka-tie.
Dumalo si Maricel para tanggapin ang kanyang pangatlong Best Actress trophy sa PMPC.
No show naman si Jericho Rosales na tinanghal na Best Actor nung gabing iyun. Si Direk Jerrold Tarog at ang producer nila ang tumanggap ng award.
Si Sylvia Sanchez naman ng I’mPerfect ang nagwaging Best Supporting Actress at natalo niya si Odette Khan na kahit naka-wheelchair ay dumalo nung gabing iyun.
Si Richard Quan naman ng How to Get Away with My Toxic Family ang nagwaging Best Supporting Actor.
Ang I’mPerfect ang nanalong Movie of the Year. Pero hindi nakuha ni Direk Sigrid Andrea Bernardo ang Movie Director of the Year kundi nanalo nito si Lester Pimentel Ong ng The Delivery Rider. Pero nanalong Scriptwriter of the year si direk Sigrid.
Ang pelikulang Sunshine naman ni Maris ang nagwaging Indie Movie of the Year at Indie Movie Director of the Year si Antoinette Jadaone.
Pero ang talagang nabigyan nang mahabang exposure sa naturang awarding ay ang Star for All Seasons na si Gov. Vilma Santos.
Ngayon lang nagbigay ang PMPC ng Hall of Fame as Movie Actress of the Year, na kung saan sampung best actress award na pala ang nakuha ng premyadong aktres. “Naalala ko lamang po sa sampung pelikula na ibinigay ho nila sa akin ang pagkilala,” bahagi ng acceptance speech ni Gov. Vi
Nabanggit pa ni Gov. Vi ang mga namayapang movie press na minsan ay nagsilbing presidente ng PMPC. “That time ho magkakasama na kami.Utang na loob ko ho ito sa kanila, sa pagkilalang iginawad sa akin, and up to this day,” dagdag niyang pahayag.
Ibinahagi rin niya ang nasabing parangal sa mga magagaling na aktor at aktres, pati sa director na nakasama niya sa mga pelikulang nagawa niya.
Pinasalamatan din niya ang mga movie producers na kumuha sa kanya.
“Imagine, I started 9 years old, Sampaguita Pictures. And then after that Tagalog Ilang Ilang, after Taglog Ilang Ilang si Atty, Experidion Laxa and then sa Sampaguita, Manay Ichu (Maceda).
“Manay, nasa heaven na silang lahat. And then, napunta naman ako sa Star Cinema. And then after Star Cinema, na marami rin po akong nagawang pelikula.
“At isa ho talaga sa tumugon sa buhay ko when I was literally financially down. Ang bumuhay at tumulong sa akin nun ay Regal Films at Viva Films,” bahagi pa ng pahayag niya.
Sinabi ni Vilma na patuloy pa rin siya sa paggawa ng pelikula. “Tutuloy pa rin po ako kahit ano pang edad ko.”
Sandali ko ngang nakausap si Gov. Vi bago siya umalis at sinabi niyang meron na siyang gustong gawin. Hindi lang daw niya puwedeng ibigay ang buong detalye. Pero napag-usapan na raw nila ito ni Sir Ricky Lee. “Meron akong script sa kanya,” bulalas ni Gov. Vi na ang National Artist na si Ricky Lee ang tinutukoy niya,
“Humahanap ako ng time to do it. And looking forward ako. Sana sana magawa ko,” dagdag niyang pahayag.
Napag-usapan na raw nila ni Sir Ricky itong script para sa kanya, kaya fingers-crossed siya na sana raw ay matuloy na ito next year.
“Sana. I’m praying. Pero may script na ako kay Ricky Lee. Sabi ko huwag mong gagalawin please.Sabi ko ‘huwag mong ibibigay kahit kanino. Kaya kanina binulong niya sa akin, ‘may movie pa tayo,” excited na pahayag ni Gov. Vilma Santos-Recto.
- Latest





















