Rags Bell walang kahirap-hirap
MANILA, Philippines — Walang kahirap-hirap na sinikwat ng Rags Bell ang korona sa 2026 PCSO 2-Year-Old Juvenile Colts and Fillies Stakes race na inilarga sa pista ng Philippine Jockey Club kahapon sa Padre Garcia, Batangas.
Umarangkada kaagad sa unahan ang Rags Bell paglabas ng aparato, pilit namang humabol para dumikit ang Green Hunter pero nabigo ito dahil lamang ang winning horse ng limang kabayo sa kalagitnaan ng karera.
Nagpatuloy ang pamamayagpag ng Rags Bell sa unahan at nanatili ang malaking agwat na lamang pagsapit ng far turn, nasa pangalawa pa rin ang Green Hunter, habang tersero na humahakbang ang Edmonton Angels.
Pagdating ng huling kurbada ay tangan pa rin ng Rags Bell ang bandera at halos kuha na nito ang panalo sa rektahan.
Kaya magaang na tinawid ng Rags Bell ang meta kung saan ay mahigit sa 10 kabayo ang lamang nito sa pumangalawang Edmonton Angels.
Sinakyan ni PSA Jockey of the Year Jonathan Basco Hernandez, inirehistro ng Rags Bell ang tiyempong 1:27.6 minuto sa 1,400 meter race sapat upang mapunta sa Bell Racing Stable ang P300,000 premyo.
Nakopo ng Edmonton Angels ang P112,500 at may P62,500 at P25,000 ang third at fourth placers, ayon sa pagkakasunod.
- Latest



















