Magnolia, TNT agawan sa 1-0 lead
MANILA, Philippines — Pag-aagawan ng Group B No. 1 Magnolia at Group A No. 4 at nagdedepensang TNT Tropang 5G ang 1-0 lead sa kanilang crossover best-of-five quarterfinals series sa Season 50 PBA Governors’ Cup.
Mag-uupakan ang Hotshots at Tropang 5G ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Group A top seed NLEX Road Warriors at Group B fourth ranked Phoenix Fuel Masters sa alas-5:15 ng hapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Sa iba pang pares, lalabanan ng Group A No. 2 San Miguel ang Group B No. 3 Barangay Ginebra at magduduwelo ang Group B No. 2 Rain or Shine at Group A No. 3 Converge.
Alam ni Magnolia coach LA Tenorio na lalabas ang lakas ng TNT sa quarterfinals, lalo na sa pagbabalik sa porma ni Rondae Hollis-Jefferson.
“Of course TNT, may extra sila kasi they’re very seasoned team, very, very well coached, ‘yung experience nila ng championship,” sabi ni Tenorio sa tropa ni mentor Chot Reyes.
“Going into the quarterfinals, we just have to be ready and we have to be up to the challenge,” dagdag ng 42-anyos na eight-time PBA champion point guard.
Ito ang ikatlong pagkakataon sa huling apat na conference na maglalaban ang Hotshots at Tropang 5G sa quarterfinals.
Sinibak ng TNT ang Magnolia sa huli nilang dalawang quarterfinal matchups.
Maglalaban din para sa 1-0 advantage ang NLEX at Phoenix sa kanilang serye.
- Latest















