42,010 barangay linisin sana nina Boying, Jonvic Remulla
Lantad na sa madla na sa Sangguniang Kabataan pa lang ay natututo nang mangurakot ang mga nasa murang edad. Ito ay dahil sa masamang impluwensya ng nakatatandang opisyales mismo ng barangay.
Ito ang modus operandi: ang bawat barangay council ay merong “kontratista”. Sa kaniya ipinauubaya ng barangay chairman at councilmen lahat ng gastusin. Mula ‘yon sa pinakamalaking proyekto tulad ng pagtayo ng barangay hall o multipurpose center, hanggang sa pinakamaliit na pagbili ng ballpen o meryenda.
May “tong-pats” (overprice) na 20-200% ang kontratista. Hati sila do’n ng chairman, pinili niyang barangay treasurer, at mga kagawad.
Umaabot nang daang libo hanggang milyong piso ang kickback kada taon. ‘Yan ang dahilan kung bakit nagpapatayan ang mga nais mag-barangay chairman, treasurer, at kagawad.
Ang Sangguniang Kabataan chairperson ay otomatikong barangay kagawad din. Otomatiko ring ka-parte siya sa kickbacks.

May mga sariling gastusin at proyekto ang SK. Obligado rin ito dumaan sa kontratista. Ino-overprice ang presyo. Pina-partehan ang SK chairman, treasurer, at mga batang kagawad.
Nasa poder ng Dept. of Interior and Local Government ang 42,010 barangay at 41,995 SK. Sinisikap umano ni Sec. Jonvic Remulla linisin ang local government units. Samantala, maaring disiplinahin ng Ombudsman ang mga tiwali at pabayang barangay at SK officials. “Kaya ko silang sibakin,” ani Jesus Crispin Remulla kamakailan.
Programahin sana ng magkapatid na Remulla na linisin at kinesin lahat ng barangay councils at SK. Lawakan ng DILG lahat ng provincial, city, at municipal jails. Dagdagan ang tao ng Ombudsman para hawakan ang mga reklamo laban sa mga kontratista at barangay/SK officials.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest















