UP binulabog ng pagbabanta, mga estudyante pinalikas
MANILA, Philippines — Nagkaroon ng tensiyon kahapon sa University of the Philippines (UP) sa Diliman Quezon City matapos na makatanggap ng pagbabanta mula sa social media account na umano’y pag-aari ng isang estudyante.
Agad na pinalikas ang mga estudyante, guro at kawani mula sa Palma Hall at Malcolm Hall ng unibersidad habang mabilis namang rumesponde ang Quezon City Police District (QCPD), Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO), Urban Search and Rescue (USAR) Team at Philippine National Police (PNP) Bomb Squad at ininspeksyon ang mga gusali sa paaralan.
Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na nakatanggap ang nag-ulat ng insidente ng mensahe sa social media mula sa account na umano’y pag-aari ng isang estudyante. “Maghahasik ng lagim sa buong Palma at Malcolm. Humanda kayong lahat,” nakasaad sa mensahe.
Nagsagawa ng inspeksiyon at kaukulang safety procedures ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal (EOD), ngunit walang natagpuang kahina-hinala o mapanganib na bagay sa mga sinuring lugar.
Nakipag-ugnayan ang mga responder sa UP Campus staff at security personnel, Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Public Order and Safety (DPOS), UP Diliman Police (UPDP), Philippine National Police (PNP) at Traffic and Transport Management Department (TTMD).
- Latest
















