Igan, naghain ng cyber libel!

Naghain ng kasong cyber libel si broadcast journalist Arnold na si “Igan” Clavio laban sa isang nagpakilalang bodyguard ni dating House Speaker Zaldy Co, kahapon.
Kasunod ito ng mga pahayag nito na umano’y tumanggap si Igan ng pera na nakalagay sa isang paper bag.
Sa isang press conference, inilahad ng naturang bodygaurd ang paratang laban kay Igan.
Gayunman, ayon sa panig ni Igan, wala umanong iba pang ebidensiyang iniharap ang nag-aakusa upang suportahan ang kanyang kuwento, bukod sa sarili nitong salaysay.
Nauna nang itinanggi ni Igan ang bintang at iginiit na sa korte na lang nila ito pag-usapan.
Binigyang-diin din ni Igan na ang pagsasampa ng kaso ay hindi paghihiganti laban sa nag-aakusa. Sa halip, ito ang hakbang na pinili niya upang itama ang impormasyong sa kanyang paniniwala ay nakasisira sa kanyang pangalan at reputasyon.
“Ang pangalan ang natatanging pamana na iniwan ng nasira kong ama at hindi ko ito hahayaan na masira,” say niya pagkatapos maghain ng demanda.
Halos 39 years na siya sa industriya ng pamamahayag at iginiit niyang mahalagang pangalagaan ang tiwala ng publiko at ang integridad na kanyang pinaghirapan sa loob ng maraming dekada.
Idiniin din niyang ang usapin ay hindi lamang tungkol sa isang paratang, kundi tungkol din sa pananagutan sa mga pahayag na inilalabas sa publiko at sa karapatan ng sinumang maparatangan na ipagtanggol ang kanyang sarili sa pamamagitan ng batas.
Sa pagsasampa ng kaso, umaasa siya na sa tamang proseso ng batas matutukoy ang katotohanan at mabibigyan ng pagkakataong marinig ang panig ng bawat isa.
- Latest




















