‘Utak’ sa Laos drug bust tukoy na ng PDEA

MANILA, Philippines — Tukoy na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang umano’y utak, at iba pang sangkot sa tangkang pagpupuslit sa bansa ng mahigit 500 kilong shabu mula sa Laos.
Ang pahayag ay ginawa ni Atty. Joseph Frederick Calulut, tagapagsalita ng PDEA kasunod ng pagkakaaresto sa isang Pilipino na si alyas “Fajad” sa airport sa Laos.
Binabantayan din ngayon ang galaw ni alyas “Boyet”, na umano’y nag-ayos ng private jet para dalhin ang droga sa Pilipinas. Sa ngayon, nasa isang bansa sa Asya si alyas “Boyet.”
Pareho umanong naka-base sa Mindanao sina alyas “Fajad” at “Boyet”.
Tumanggi namang pangalanan ni Calulut ang principal o utak ng grupo.
Ang grupong magpupuslit sana ng droga sa bansa ay bahagi umano ng Sam Gor na mas malaking sindikato na nagma-manufacture ng droga sa Golden Triangle area, at nag-o-operate sa Asia Pacific Region.
- Latest
















