Flying Titans tinunaw triple-double ni Belen
MANILA, Philippines — Diniskaril ng Choco Mucho ang pagparada ng Capital1 Solar Energy sa kanilang ‘Big Three’ matapos agawin ang 22-25, 18-25, 25-17, 25-20, 15-8 panalo sa pagsisimula ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg kahapon sa SM Seaside Cebu Arena sa Cebu City.
Humataw si Eya Laure ng triple-double na 22 points, 15 excellent receptions at 11 digs para banderahan ang come-from-behind win ng Flying Titans sa harap ng 11,580 fans.
“We always remind each other na we got each other’s backs. Kahit anong mangyari, tuloy lang ang laban,” sabi ni Laure na humataw ng 17 attacks.
Nagdagdag si Cebuana star Sisi Rondina ng 12 markers kasunod ang 11 points ni Maddie Madayag.
Itinampok ng Solar Spikers ang kanilang ‘Big Three’ na sina Bella Belen, Vanie Gandler at Erika Santos.
Bumira si Santos ng 22 points, habang kumolekta si Belen ng triple-double na 15 markers, 15 receptions at 10 digs at nagtala si Gandler ng 15 points at 14 receptions para sa Capital1 na kinuha ang 2-0 bentahe sa laro.
Ngunit sa likod ni Laure ay nakahirit ang Choco Mucho ng 25-17 panalo sa third frame bago itala ang labanan sa 2-2 matapos bumangon mula sa 3-11 pagkakabaon.
Ang down-the-line crosscourt shot at backrow hit ni Gandler ang naglapit sa Capital1 sa 7-9 agwat sa fifth set.
Pumalo naman si Rondina ng tatlong sunod na puntos para ilayo ang Flying Titans sa 12-7 at ang service error ni Pia Abbu ang tuluyan nang tumapos sa paghahabol ng Solar Spikers.
- Latest






















