Jericho emosyonal, Maris dream come true ang urian

Hindi napigilang maging emosyonal ni Jericho Rosales nang binabasa na ang citation ng pagkapanalo niya bilang Best Actor sa katatapos lang na Gawad Urian na ginanap sa De La Salle University noong Huwebes.
Nakuha ni Echo ang Best Actor trophy dahil sa magaling na pagganap niya sa pelikulang Quezon. Naka-tie ng aktor si Carlo Aquino ng pelikulang Bar Boys: After School.
Si Carlo ang unang tinawag na winner na tinanggap ng asawa niyang si Charlie Dizon.
At habang binabasa ng National Artist na si Nick Deocampo ang rason kung bakit siya ang napiling best actor, naiiyak na si Jericho.
Matagal bago siya nakatayo nang tinawag na ang pangalan, na parang hindi makapaniwalang nakuha niya ang naturang award. “This is great! This is great. Masayang masaya ako dito,” bahagi ng aktor.
“This just maybe, dumating siya sa tamang panahon after lahat ng mga challenges namin. Sa Quezon, and then personal challenges, and then… it’s just the validation that you know, I’m on the right track. And it felt so… siyempre divine, parang ganun. So, I was just being open and honest and so… yeah!
“You know, I’m really proud of this. And I’m proud of myself hahaha!” saad ni Echo nang makausap namin pagkatapos ng awarding.
Sinundan namin ng tanong kung anong challenges ang pinagdaanan niya.
“Artistic challenges na mga ganyan siyempre ‘di ba? You know life na medyo… buhay ng isang artist na masaya siya, pero hindi siya free of ano ‘yung kumbaga, and hindi siya ‘yung walang challenges, meron.
“And oh my God! It’s an Urian. I mean ‘common! Maging emotional ka talaga dito. This is great!” pakli niya.
Nilinaw namin sa kanya kung bahagi ba sa artistic challenge ang pelikulang Bernal na inaalok sa kanya, “Hindi pa final ano. We’ll see,” bulalas ni Echo.
“Nandiyan si Jerrold (Tarog), Sir Ricky (Lee), and everyone. But right now, I’m wishing the entire production all the best. I am rooting for them. And of course, you know, it’s an important story to tell, and it’s an exciting film to watch out for,” dagdag niyang pahayag.
Samantala, nag-tie rin sa Best Actress sina Maris Racal ng pelikulang Sunshine at si Odette Khan ng Bar Boys: After School.
Naging emosyonal din si Maris bago tinawag ang pangalan niya. Sa kanyang acceptance speech ay sinabi niyang matagal na niyang pinapangarap na makakuha ng Urian best actress trophy.
Dinadrama lang daw niya noon, pero ngayon ay totoo na. “Ngayon pa lang happy na ako na may Urian ako. This is a dream come true,” bulalas ni Maris.
Kahit naka-wheelchair si Odette, talagang sinikap na makaakyat siya para tanggapin ang kanyang tropeyo.
May payo pa siya sa mga kabataang artista, ayusin ang trabaho para magtagal sila sa industriya.
Si Jennica Garcia ang nagwaging Best Supporting Actress ng pelikulang Sunshine at si Will Ashley naman ang Best Supporting Actor mula sa pelikulang Bar Boys: After School.
Na-late ng dating si Jennica kaya hindi niya personal na nakuha ang kanyang award.
Na-late raw kasi ang sumundo sa kanila.
Pero ang una raw niyang gagawin ay tatawagan ang mama niyang si Jean Garcia.
“Hindi nga ako makapaniwala. Meron si Mama Urian, tatawagan ko siya, dalawa na tayo,” napangiti niyang pakli.
Kaagad namang umalis si Will pagkatapos niyang tanggapin ang award. Meron pa raw siyang ganap, kaya hindi na siya nakasama sa photo op ng winners.
Tamang-tama namang dagdag promo ito sa nalalapit niyang afternoon drama na Delivery Boi.
Nagwaging Best Picture ang Cinemalaya movie na Bloom Where You Are Planted na dinirek ng nanalo ring Best Director na si Noni Abao.
Halos lahat na mga nominado sa acting category ay dumalo kahit walang katiyakang manalo sila.
Malaking bagay na raw ‘yung napasama sila sa mga nominado.
Congratulations sa lahat na nagwagi.
- Latest

























