NU gustong masolo 2nd spot kontra UST
MANILA, Philippines — Puntirya ng National University na masolo ang ika-2 puwesto sa pagsabak nito sa University of Sto. Tomas sa UAAP Season 89 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin sa Araneta Coliseum ngayon.
Nakasiksik ang NU sa three-way tie sa No. 2, kasama ang defending champions La Salle at Ateneo tangan ang tig-3-2 karta.
Magsisimula ang banatan ng NU at UST sa alas-3 ng hapon, sunod ang bakbakan sa pagitan ng Ateneo at league leader FEU sa alas-5:30 ng hapon.
Natambakan ang Growling Tigers sa huli nilang laro, pero para kay Bulldogs head coach Jeff Napa ay hindi sila magku-kumpiyansa at kailangan manatili silang nakahanda.
Kakapitan ni Napa sa opensa sina PJ Palacielo, Paul Francisco, at Malian big man Mo Diassana para iharap sa mga tigasing players ng UST.
Samantala, nais ng Blue Eagles na makabangon agad mula sa pagkakalagpak matapos nilang yumuko sa Green Archers, 76-83 sa huli nilang laro.
- Latest

















