^

Punto Mo

Pili na, pino pa

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MULA sa ginaganap na impeachment trial laban kay VP Sara, sa mga imbestigasyon sa maanomalyang mga infrastructure projects, sa mga karahasang nagaganap sa mga eskwelahan na ang sangkot ay mga batang estudyante, at sa pagkalat ng mga impormasyon sa social media na sumisira sa dangal ng mga tao, lalo na ng mga kababaihan, isang lubhang nakalulungkot na bagay ang lumulutang--ang tuluy-tuloy na pagkapunit ng hibla ng moralidad sa ating lipunan na tinatawag na moral fabric.

Ang moral fabric ay tumutukoy sa mga prinsipyong may kaug­nayan sa pag-uugali, kaasalan, mga bagay na pinahahalagahan, at mga pamantayan sa lipunan, na gumagabay sa pag-uugali at nagpapanatili ng magandang ugnayan ng mga tao. Kasama sa moral fabric ang mga prinsipyong may kinalaman sa moralidad, sa konsepto ng kung ano ang tama at mali. 

Ang fabric ay tela na binubuo ng mga hibla. Maaari itong mapunit kapag humina ang mga hibla. Gayundin sa lipunan, maaaring mapunit ang hibla ng moralidad kapag ang dating magandang kaugalian, kaasalan, pinahahalagahan, at paniniwala kung ano ang tama at mali ay binabalewala na at binabaligtad.

Ito ang lumalaki nating problema. Ang mali ay itinuturing na nating tama. Ang dating ikinakahiya ay ipinagmamalaki na natin. Ang dating tinatanggihan ay tinatanggap na natin. Anumang pinapayagan natin ngayon ay yayakapin ng susunod na henerasyon.

Noon ay gulat na gulat tayo kapag may matataas na lider na nasangkot sa pagnanakaw ng ilang milyong piso. Ngayon, kapag ilang milyon lang ang ninakaw ay hindi na natin ikinagugulat. Bilyon na ngayon ang pamantayan ng nakawan. Pero ang lalong nakakagulat, kahit nasangkot sa anomalya ay nananalo pa sa eleksyon. Bumaba nang bumaba ang pamantayan natin sa mga ibinoboto. Ang mga magaling sa batas ay hindi manalu-nalo sa Senado, samantalang ang mga lumabag sa batas ay nagiging numero uno.

Noon ay napakagalang nating magsalita, lalo na sa mga pormal na pagtitipon. Nawala na ang po at opo. Napalitan ng pagmumura. Tinatangkilik natin ang mga pekeng balita sa social media. Nila-like natin ang mga tsismis. Sini-share natin ang mga mapanirang artikulo. Hinahangaan natin ang mga vloggers na bastos at mapanira. 

Noon, hindi na pinag-uusapan kung ano ang pipiliin sa pagitan ng puri at pera. Ngayon, hindi na kataka-taka kung marami ang tagasunod ng pilosopiyang, «Aanhin mo ang puri kung wala ka namang pera.»

Mas mabilis yata ang pagnipis ng ating moral fiber kaysa pagnipis ng ozone layer sa himpapawid. Ang numinipis na ozone layer ay tumutupok sa ating kapaligiran. Ang numinipis nating moral fiber ay tumutupok sa ating kaluluwa. Ang ibig sabihin pa naman ng Pilipino ay pili na, pino pa sa ugali at asal. Pili na, pino pa sa isip, salita, at gawa.

Ito ang sama-samang dapat nating pagsikapang maibalik--ang dangal ng ating pagka-Pilipino. Huwag nating hayaang lubusang mapunit ang ating moral fiber. Pakapalin natin ang hiblang nag-uugnay-ugnay sa atin. Hindi tayo DDS. Hindi tayo Dilawan. Iisa lang ang ating kulay. Tayo’y mga Pilipino! Iisa lang ang eroplanong ating sinasakyan--ang Pilipinas. Kung ito’y babagsak, masasawi tayong lahat!

SARA DUTERTE

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with