3 dump truck nagsalpukan: Driver dedo, 3 pa sugatan
CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Patay ang isang 58-anyos na truck driver habang tatlo pa ang sugatan matapos magbanggaan ang tatlong dump truck sa kahabaan ng National Road, Purok Tres, Barangay Tignoan, Real, Quezon kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si alias “Encio,” residente ng Barangay Sulib, Pangil, Laguna, na minamaneho ang isang puting Howo NX dump truck. Naipit siya sa loob ng sasakyan matapos ang malakas na banggaan at idineklarang dead on arrival sa Quezon Provincial Hospital Network–Claro M. Recto dahil sa matinding pinsala.
Sugatan naman sa insidente sina alyas “Joel”, “Celso”, at truck helper na si alias “Ken,” 19, na pawang dinala sa ospital para sa malapatan ng lunas.
Batay sa ulat ng Real Municipal Police, alas-8:00 ng gabi habang bumibiyahe ang mga trak patungong Famy, Laguna nang biglang pumasok sa kalsada ang isang sasakyan mula sa kanan kaya nagpreno ang unang dump truck na minamaneho ni alias “Joel,” 50.
Napahinto rin ang kasunod na trak ni alias “Celso,” 48, ngunit umabot at bumangga ito sa likuran ng unang sasakyan.
Kasunod nito, sinalpok naman ng ikatlong dump truck na minamaneho ni Encio ang likuran ng ikalawang truck matapos umano itong hindi agad nakapagpreno.
Dahil sa lakas ng impact, nasira ang likurang bahagi ng unang trak at harapang bahagi ng ikalawa at ikatlong sasakyan.
- Latest


















