Paalam sumuntok ng tiket sa Finals

MANILA, Philippines — Wala pa sa isip ni Carlo Paalam na magpaalam sa Asian Games.
Siniguro ng Tokyo Olympic silver medalist na makapasok sa finals ng men’s 55 kgs kahapon sa 2026 Asian Games boxing competitions sa Nishio Gymnasium sa Nagoya, Japan.
Umabante sa gold-medal match si Paalam matapos patalsikin si Makhmud Sabyrkhan ng Kazakhstan sa bendisyon ng split decision win sa kanilang semis bout.
Maagang naglunsad ng atake si Paalam nang magpakawala ito ng matikas na ratsada upang makuha ang opening round mula sa 10-9 iskor galing sa apat na mga hurado.
Ngunit pumalag ang Kazakh pug sa mga sumunod na rounds para makadikit kay Paalam.
Gayunpaman, kinatigan si Paalam ng mga hurado sa huling sandali ng bakbakan para tuluyang makuha nag 3-2 spilt decision win.
Aminado si Paalam na nagulat ito sa game plan ng Kazakh bet subalit agad itong nasawata dahil na rin sa taktikang itinuro ni coach Elmer Pamisa.
“Lalabas ‘to siya, gawin ko ‘yung laro ko... unahan lang kami paano mag counter,” ani Paalam.
Naging mainit ang bakbakan sa third round kung saan nabawasan pa ng puntos si Paalam.
Pero hindi hinayaan ni Paalam na makaapekto ito sa kanya. Sa halip, nagpaulan ito ng matatalim na atake upang tuluyang makuha ang panalo.
“Pinapakita ko sa referee na Pinoy tayo, dugo natin ‘to, kahit magkamatayan tayo. Ibibigay talaga sa last round,” ani Paalam.
Makasisiguro na si Paalam ng pilak na medalya.
- Latest




















