Lalaking may kutsilyo, tinopak umakyat sa altar ng Cathedral

MANILA, Philippines — Nasagip ng mga awtoridad ang isang 33-anyos na lalaking armado ng patalim makaraang umakyat sa mataas na bahagi ng altar ng San Sebastian Cathedral at tinangka nitong tumalon sa Brgy. 11 sa lungsod ng Bacolod City, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ng Bacolod City Police, ang nasabing lalaki ay na-monitor na pumasok sa loob ng San Sebastian Cathedral sa Brgy. 11 ng lungsod noong Sabado dakong alas-4 ng hapon.
Base sa imbestigasyon, bago ang insidente, ang nasabing lalaki ay palagi umanong bumibisita sa nasabing simbahan.
Laking gulat naman ng mga deboto na taimtim na nagdarasal sa nasabing simbahan nang biglang makitang nasa itaas na ng altar ang nasabing lalaki na tila wala umano sa sariling katinuan at may bitbit pang kutsilyo.
Nang matanggap ang report, nagresponde ang mga elemento ng pulisya at pinakiusapan ang lalaki na may bitbit na kutsilyo na bumaba na sa nasabing altar at mag-ingat ito.
Hindi nagpatinag ang lalaki pero matapos ang ilang oras na negosasyon ay nakumbinse rin ng mga pulis na bumaba at tumalon sa inilatag na kutson na sinunod naman nito.
Ang lalaki ay nagtamo ng sugat sa kalingkingan at mga galos sa kaniyang balikat dahil sa insidente.
Sa pahayag ng mga awtoridad, dumaranas ng depresyon ang nasabing lalaki habang patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito.
- Latest

















