2nd gold ni Yulo, silver sa Gilas Women 3x3 team

MANILA, Philippines — Inangkin ni gymnast Carlos Edriel Yulo ang kanyang ikalawang gold medal, habang nag-ambag ng silver ang Gilas Pilipinas Women 3x3 team sa 20th Asian Games kahapon sa Aichi-Nagoya, Japan.
Nagtala si Yulo ng 14.599 points sa finals ng men’s vault event sa men’s artistic gymnastics para talunin sina silver medalist Mahdi Olfati ng Iran (14.533) at bronze medal winner Ka Ki Ng ng Hong Kong (14.116) sa Nagoya General Gymnasium Rainbow Hall.
Noong Huwebes ay inangkin ng 2024 Paris Olympics double-gold medalist ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa Aichi-Nagoya Asiad sa paghahari niya sa men’s floor exercise.
“I really trusted God kung ano iyong hindi ko makontrol, ibinigay ko na sa kanya lahat. Grabe iyong milagro po, sobrang hindi ako makapaniwala,” ani Yulo. “Na-appreciate ko po lahat ng taong nagdarasal at sumusuporta sa akin.”
Hindi nakuha ng 26-anyos na si Yulo ang ikatlo niyang gold nang pumang-apat sa men’s parallel bars sa kanyang 14.300 points.
Nag-ambag ang kanyang 18-anyos na utol na si Karl Eldrew ng bronze sa nakuhang 13.666 points sa men’s horizontal bar sa kanyang Asiad debut.
Sa women’s 3x3 basketball finals, nadiskaril ang hangad nina Kacey Dela Rosa, Kennan Ka, Amyah Espanol at Maria Pasilang ng Gilas Women na makuha ang ginto matapos ang 11-21 kabiguan sa host Japan.
Minalas ang Gilas Men 3x3 team nina Nic Cabanero, Koji Buenaflor, Luis Pablo at David Dungo laban sa Iran, 10-21, sa kanilang bronze medal match.
Nakakolekta na ang Team Philippines ng dalawang golds, dalawang silvers at limang bronzes para tumaas sa No. 13 spot sa medal tally sa hanay ng 45 bansa.
Sa weightlifting, pang-lima si 2022 Hangzhou Asiad bronze medalist Elreen Ando sa women’s 61-kilogram division sa kanyang total lift na 224kgs.
Sa men’s skateboarding, tumapos si Jericho Francisco sa fourth place sa park finals event sa kanyang 84.41 points, habang fifth-placer si skate sensation Mazel Paris Alegado sa women’s park finals sa iskor na 80.65.
Sa boxing, pasok si Junmilardo Ogayre sa quarterfinals ng men’s 60kg matapos ang 5-0 dominasyon kay Roka Magar ng Nepal.
Lalabanan ni Ogayre sa quarterfinals si Abdumalik Khalokov ng Uzbekistan.
Bugbog si Riza Pasuit kay Natnicha Chongprongklang ng Thailand, 0–5, sa women’s 54kg class.
Sa women’s beach volleyball, talo sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons kina Kozhakhmet at Kabulbekova ng Kazakhstan, 17–21, 21–10, 15–10.
Ngunit swak pa rin ang ‘SiPons’ sa Round of 16 na papalo sa Lunes.
Sa swimming, pumuwesto si Gian Christopher Santos sa 12th spot sa heats ng men’s 400m freestyle sa kanyang oras na 3:56.27 at pang-anim si Heather White sa heats ng women’s 50m butterfly sa itinalang 27.62 segundo.
- Latest

























