P168 milyon relief ng OVP, may anomalya – COA
MANILA, Philippines — Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang Office of the Vice President (OVP) dahil sa mga kakulangan sa dokumentasyon at iregularidad sa kanilang P168 million na relief operations noong 2025.
Sa 273-page report para sa 2025 Disaster Risk Reduction and Management Fund (DRRMF), tinukoy ng COA ang ilang kakulangan sa pagpapatupad ng relief operations ng OVP tulad ng situational reports,magkakaiba ng mga approved mission orders, issuance ng open-ended mission orders, at hindi tugmang beneficiary at distribution records.
Tinukoy rin ng COA ang nawawala o hindi kumpletong dokumento na magbibigay suporta sa relief operations.
Sa isinagawang audit, natukoy ng COA ang mga hindi pagkakatugma sa mga situational report na inihanda ng mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan at sa mga report na inihanda naman ng OVP.
Kabilang sa mga pagkakaiba ang relief operations para sa mga welfare goods na nagkakahalaga ng P19.67 milyon, kabilang ang hindi pagtutugma sa bilang ng mga pamilyang naapektuhan.
Nakita rin ng mga state auditors ang 24 relief operations na may P39.01 milyong halaga ng welfare goods na lihis sa mission orders ng walang dokumentadong pahintulot.
Kabilang sa mga pagbabago ang iskedyul, lugar ng pamamahagi, dami ng mga relief item, at dami ng bigas na ipinamahagi.
Natuklasan din sa audit na walong mission order na sumasaklaw sa relief distribution na nagkakahalaga ng P84.12 milyon ay hindi tumukoy sa mga target na benepisyaryo.
Sa halip, nakasaad lamang na ipamahagi ang mga ayuda sa mga pamilyang naapektuhan o napilitang lumikas.
- Latest




















