Asiad gold mailap pa rin sa Team Philippines

MANILA, Philippines — Patuloy ang paghahangad ng Team Philippines sa kauna-unahang gold medal sa 20th Asian Games kahapon sa Aichi-Nagoya, Japan.
Ito ay matapos makuntento sa silver medal si Jean Claude Saclag, habang tig-isang bronze ang nakayanan ni Carlos Alvarez at ng national women’s team kata.
Natalo si Saclag kay Otabek Rajabov ng Tajikistan sa finals ng men’s traditional -65kg division, samantalang bronze ang ambag ni Alvarez sa kanyang kabiguan kay Yerkingali Burkutalin ng Kazakhstan sa semifinals ng men’s traditional -77kg class.
Nagdagdag ng isa pang bronze sina Samantha Emmanuelle Veguillas, Ysabielle Arrogante at Rebecca Cyril Torres sa women’s team kata event.
May isang silver at tatlong bronze medals ngayon ang Team Philippines kasama ang naunang bronze ng women’s soft tennis team para sa No. 21 spot sa medal tally.
Kumpiyansa pa rin si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na makakakolekta ang mga Pinoy athletes ng walong ginto.
“Walang atrasan ito. Sabi ko nga, hindi naman masama ang mangarap eh. Wala namang bayad ‘yan, libre ‘yun,” ani Tolentino.
Apat na golds, dalawang silvers at 12 bronzes ang nakolekta ng Team PH sa nakaraang Asiad sa Hangzhou, China para tumapos sa No. 17 place.
Sa swimming, minalas sa medalya sina Kayla Sanchez (4th) at Heather White (10th place) sa women’s 100m freestyle, Xiandi Chua (8th place) sa women’s 200m backstroke at Gian Christopher Santos (10th place) sa men’s 400m Individual Medley.
Ngunit muling naglista si Sanchez ng bagong Philippine record sa women’s 100m freestyle sa kanyang itinalang 53.65 segundo.
Noong Lunes ay bagong national mark na 28.19 segundo ang ipinoste ng Fil-Canadian swimmer sa women’s 50m backstroke.
Sa women’s boxing, kaagad napatalsik si Paris Olympics bronze medalist at Asiad flag-bearer Aira Villegas sa round of 32 ng women’s 51-kilogram division matapos ang 0-5 kabiguan kay Sakshi Chaudhary ng India.
Sa women’s 5x5 basketball, talo ang Gilas Pilipinas Women sa Japan, 67-89, para sa 2-1 record, ngunit pasok pa rin sila sa quarterfinals bilang No. 2 team ng Group G.
Sa women’s 3x3 basketball, magkasunod na pinadapa nina Kacey Dela Rosa, Maria Pasilang, Kennan Ka at Amyah Espanol ng Gilas Pilipinas Women ang Mongolia at Macau para sa tsansa sa quarterfinal seat.
Sa gymnastics, malas sa medalya sina Levi Ruivivar (10th place), Kylee Kvamme (12th place) at Haylee Garcia (16th place) sa women’s individual all-around finals.
- Latest
















