Cayetano: ‘Wag pulitikahin ang imbestigasyon sa korapsyon
MANILA, Philippines — Dapat isantabi ang pulitika sa mga imbestigasyon sa korapsyon upang maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno at matugunan ang mga pangunahing problema ng bansa.
Ito ang iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na dapat nakatuon sa pananagutan at paghahanap ng solusyon ang mga talakayan tungkol sa flood control projects, korapsyon at impeachment trial, sa halip na mauwi sa bangayan ng mga kampo.
“Kahit anon’g sabihin natin, magkakaroon ng pulitika. Pero puwede (pag-usapan ang mga ito ng) non-partisan. Ibig sabihin po, hanap solusyon. Hindi hanap debate, alaskahan, turuan, kundi hanap solusyon,” sabi ni Cayetano.
Binigyang diin ng senador na hindi dapat mawala sa usapan ang mga problemang araw-araw na kinakaharap ng mga Pilipino, gaya ng pagtaas ng presyo ng bilihin, mababang sahod, gutom at mga suliranin sa edukasyon.
Tinukoy rin niya ang karahasan sa mga paaralan at ang hirap ng maraming pamilyang pagkasyahin ang kanilang kinikita sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Giit ni Cayetano, hindi sapat na matukoy lamang kung sino ang dapat managot sa korapsyon. Dapat ding tiyakin na hindi na mauulit ang pag-abuso sa pondo ng bayan.
- Latest















