Tres Queridas (8)
AMOY pinipritong isda at nakalulunod na usok ng sigarilyo ang sumalubong sa kanila sa makipot na hallway ng ikapat na palapag ng St. Peregrine Apartments. Nakatayo sina Celeste, Diana at Lani sa harap ng pintuang may nakapinturang numerong 404.
“Tao po?” tawag ni Diana habang kumakatok. Halos hindi siya makahinga sa takot na baka may pang-apat na misis si Carlo sa likod ng pintuang ito.
Nang walang sumagot, sinubukan ni Celeste na paikutin ang doorknob, ngunit naka-lock ito.
“I’ll call the building caretaker,” inis na sabi ni Celeste habang inilalabas ang kanyang phone. “I’m not going to stand here looking like an intruder.”
“Huwag na,” mahinahong pigil ni Diana. Tumingkayad si Diana at inangat niya ang kamay para abutin ang frame ng pinto, Dahan-dahang kinapa ang ibabaw ng wooden door frame.
Napatigil ang kanyang mga daliri nang makaramdam siya nang malamig na bakal. Sa bahay nila, laging sa ibabaw ng pintuan nagtatago ng spare key si Carlo. Isang lumang gawi na hindi nito nabago.
Inilabas ni Diana ang maliit na susi at isinaksak iyon sa doorknob. Dahan-dahang bumukas ang pinto. Inasahan nilang makakakita ng isang lihim na tirahan: mga gamit ng babae, kama, o mga bakas ng isa pang pamilya. Ngunit pagpasok nila, nagulat sila sa nakita: Walang sofa, walang telebisyon, at walang kama. Mukha itong isang opisina: may malaking executive desk sa gitna, dalawang metal filing cabinets sa gilid, at isang malaking corkboard sa pader na natatakpan nang malapad na Manila paper. Pero bago pa man nila ma-inspeksyon ang mga kagamitan, dalawang beses na kumatok ang isang lalaki sa nakabukas na pinto.
“Sir Carlo Evangelista?” sigaw ng delivery rider na may bitbit na maliit na kahon.
Inabot ni Lani ang kahon, at isinarado ang pinto. Punit agad ang packaging tape sa gigil ng kaniyang mga daliri. Sa loob nito ay isang itim na brand-new portable cassette tape player. Agad itong inagaw ni Celeste sa kamay ni Lani.
“Cassette player?” kunot-noong tanong ni Celeste. “Anong gagawin niya sa ganitong bagay?”
Sa kabilang bahagi ng silid, dahan-dahang binuksan ni Diana ang pambabang drawer ng executive desk. Napasinghap siya habang nakatitig sa loob.
Nakasilid doon ang isang plastic organizer na naglalaman ng mga lumang cassette tapes, bawat isa ay may nakadikit na masking tape at may nakasulat na mga petsa at taon mula pa noong taong 2001.
(Itutuloy)
- Latest



















