Filipinas naghahanda rin sa FIFA World Cup

MANILA, Philippines — Bukod sa kauna-unahang medalya, ginagamit din ng Philippine women’s national football team ang 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan bilang preparasyon sa prestihiyosong 2027 FIFA Women’s World Cup sa Brazil.
Kasalukuyang may apat na puntos ang Filipinas mula sa isang panalo at isang tabla para sa apat na puntos sa Group G sa ilalim ng China na mayroon ding apat na puntos.
May dalawang puntos ang Uzbekistan matapos ang 1-1 draw sa China, habang wala pang puntos ang Hong Kong.
“We’re using this game, this tournament as a stepping stone for the World Cup,” sabi ni Mallie Ramirez na isa sa dalawang Filipinas player na umiskor ng goal sa kanilang 2-0 pagblangka sa Hong Kong noong Huwebes bukod kay Skye Leach. “That’s the ultimate goal, to perform well in the biggest stage.”
Lalaro ang Filipinas sa kanilang ikalawang FIFA Women’s World Cup stint matapos talunin ang Uzbekistan sa playoff match ng 2026 AFC Women’s Asian Cup noong Marso.
Ito naman ang ikalawang sunod na Asian Games appearance ng Filipinas matapos umabante sa quarterfinals ng 2018 edition sa Hangzhou, China.
Bago talunin ang Hong Kong kamakalawa ay humirit ng isang 1-1 draw ang Filipinas sa Uzbekistan tampok ang pahabol na goal ni Natalie Collins.
“We were so concise and together, and I think we learned our mistakes from the first game, and we were able to come out with a clean sheet. It was a group effort,” wika ni goalkeeper Olivia McDaniel.
Nakatakdang labanan ng mga Pinay ang mga Chinese sa Lunes sa alas-3 ng hapon kung saan ang panalo ang magpapasok sa tropa ni Australian coach Mark Torcaso sa quarterfinals.
Sa tournament format, ang top two teams sa bawat grupo ang awtomatikong aabante sa quarterfinals kasama ang dalawang best third-place teams.
Nanggaling ang Filipinas sa pagkopo sa kauna-unahang women’s football gold medal ng bansa sa nakaraang 33rd Southeast Asian Games sa Thailand noong Disyembre.
Samantala, tuluyan nang nasibak ang national men’s under-23 squad matapos ang 0-2 pagkatalo sa Vietnam kahapon.
Ito ang ikalawang dikit na kamalasan ng mga Pinoy booters makaraan ang naunang 1-5 pagyukod sa Uzbekistan.
- Latest




















