Back-to-back wins ng Blazers
MANILA, Philippines — Dumiretso ang College of Saint Benilde sa pangalawang dikit na ratsada matapos pabagsakin ang Lyceum of the Philippines University, 98-82, sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament kahapon sa Playtime FilOil Centre sa San Juan City.
Sinolo ng Blazers ang liderato sa Group A bitbit ang 2-0 kartada kasama ang naunang 77-68 pagdaig sa nagdedepensang San Beda Red Lions.
Kumolekta si Matthew Jucom ng 17 points at anim na rebounds para banderahan ang Season 100 champions.
Matapos agawin ng Lyceum ang 48-47 abante sa dulo ng second period ay isang 10-2 atake ang ginawa ng St. Benilde para isara ang first half tangan ang 57-50 bentahe.
Pinalobo pa ito ng Blazers sa 74-59 mula sa salaksak ni Jucom sa huling 2:33 minuto ng third quarter.
Sinubukan ng Pirates na unti-unting tapyasin ang nasabing 15-point deficit sa final canto.
Ngunit hindi bumitaw ang St. Benilde at inilista ang 92-76 kalamangan galing sa drive ni Justine Sanchez sa huling 3:21 minuto ng laro.
Sa unang laro, humakot si Gelo Gelsano ng 17 points at 10 rebounds para pamunuan ang University of Perpetual Help System DALTA sa 83-72 pagsuwag sa Emilio Aguinaldo College
Bumangon ang Altas mula sa naunang 77-84 pagkatalo sa Letran Knights para ilista ang 1-1 baraha sa Group B.
Nagdagdag si LA Casinillo ng 16 points para sa Perpetual na nakahugot ng tig-15 kina Mark Gojo Cruz, JM Tulabut at Rey Maglupay, ayon sa pagkakasunod.
- Latest






















