Impeachment: 16 ba o bagong bilang?
Hindi pala simpleng 24 senators, kunin ang two-thirds, tapos 16 agad ang sagot. Sa pagdinig ng Senate impeachment court, malinaw na ang problema ay hindi lamang kung ilan ang kailangang boto—kundi sino ang dapat kasama sa bilang.
Mabigat ang puntong inilatag nina retired Chief Justices Artemio Panganiban at Hilario Davide Jr. Binigyang-diin nila ang partisipasyon, kakayahang bumoto at independiyenteng pagsusuri ng ebidensya. Sa ganitong pananaw, hindi sapat na sabihing 24 ang Senado kaya automatic 16 ang threshold.
Dito pumapasok ang praktikal na tanong: paano lubos na hahatol ang isang senator-judge kung hindi siya aktuwal na nakilahok sa mahahalagang bahagi ng trial? May witnesses, testimonya, dokumento at arguments na kailangang timbangin. Hindi ordinaryong botohan ang impeachment—ito ay paglilitis na may mabigat na epekto sa isang halal na opisyal.
Pero may matibay ding sagot ang kabilang panig. Ipinaliwanag ni retired Chief Justice Reynato Puno na sa regular courts, may pagkakataong nakapagdedesisyon ang judge batay sa transcripts at records kahit hindi niya personal na narinig ang bawat witness. Kaya ang absence ay hindi awtomatikong nangangahulugang walang kakayahang humatol.
Mas diretso naman si retired Justice Adolfo Azcuna. Para sa kanya, habang senador ang isang tao, kasama siya sa denominator; death, resignation o removal from office ang dahilan upang hindi maisama. Sa pagbasa niyang ito, ang “all Members of the Senate” ay hindi nakadepende sa attendance.
Kaya ito ang tunay na laban ng interpretasyon: ang two-thirds ba ay palaging nakabatay sa buong Senate membership, o dapat isaalang-alang kung sinu-sino ang qualified, makakaboto at aktuwal na makagaganap bilang senator-judges?
Sa Setyembre 23, maaaring pagbotohan kung pananatilihin o babaligtarin ang 16-vote ruling ni Presiding Officer Chiz Escudero. Kapag nabago iyon, maaari pang tukuyin sa panibagong boto ang bagong denominator at conviction threshold.
Maganda na nailabas ang magkabilang legal na pananaw. Ngayon, nasa senator-judges na ang obligasyong timbangin ang Constitution, precedent, proseso at fairness. Sa impeachment, hindi sapat na marunong tayong magbilang—kailangang malinaw muna kung sino ang dapat bilangin.
- Latest




















