Nitura bagong dagdag sa Alas Women

MANILA, Philippines — Matapos si Niña Ytang, si Shaira Nitura naman ang isinama sa listahan ng Alas Pilipinas para sa kampanya sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Ang Adamson Lady Falcons star spiker ang ipinalit kay veteran libero Dawn Macandili-Catindig na isa sa dalawang miyembro ng national team na huling naglaro sa Asiad noong 2018 sa Jakarta, Indonesia bukod kay team captain at setter Jia De Guzman.
Sa social media post ni setter Mars Alba ay kasama si Nitura sa Alas Pilipinas Women photo sa kanilang paglapag sa Chubu Centrair International Airport sa Nagoya kahapon.
Nakarekober na ang 21-anyos na si Nitura sa isang ankle surgery noong Hulyo.
“Makakalaro naman ako sa Asian Games kung mapasama ako sa final roster. Kayang kaya naman,” naunang pahayag ng UAAP Season 88 MVP.
Kamakalawa ay pinalitan ni Ytang si opposite hitter Erika Santos sa Alas Women roster ni Japanese coach Taka Minowa.
Makakasama nina Nitura at Ytang sa Final 12 sina De Guzman, Alba, Alyssa Solomon, Bella Belen, Eya Laure, Angel Canino, Thea Gagate, Dell Palomata, Amie Provido at Justine Jazareno.
Nasa Pool B ang Alas Women kasama ang defending champion at nine-time gold medalist China at Kazakhstan.
Unang lalabanan ng mga Pinay spikers ang mga Chinese sa Miyerkules kasunod ang mga Kazakhs sa Huwebes.
Sa tournament format, ang top two teams sa bawat grupo matapos ang single-round robin ang aabante sa quarterfinals.
Nasa Pool D naman ang Alas Pilipinas Men kasama ang South Korea, China at Chinese Taipei .
- Latest
















