Cristine, nililihim pa ang detalye ng kasal

Medyo matipid ang mga sagot ni Cristine Reyes nang tinanong ko siya tungkol sa wedding plans nila ng fiancé niyang si Atty. Gio Tingson.
Nitong buwan ng Mayo lang nila in-announce na engaged na sila, at magmula nu’n ay pinaplano na nila ang kasal, pero wala silang detalyeng ibinigay.
Si Ara Mina ‘pag nai-interview ay excited siya para sa kapatid.
Sumingit lang ako ng tsika kay Cristine nang dumalo siya sa book launch ng Quiapo Ilalim: Pagsusulat ng Iba’t Ibang Daan ng National Artist na si Ricky Lee.
Ginanap ito sa Manila International Book Fair 2026 noong Biyernes ng hapon, sa SMX Convention Center.
Isa si Cristine sa nagbasa ng excerpts ng mga pelikulang isinulat ni Sir Ricky.
Sandali ko siyang tsinika bago nagsimula ang book launch. Kinumusta ko ang preparation nila sa wedding na ang sabi ni Cristine, hati-hati raw sila ni Atty. Gio sa paghahanda. “Actually, nagpapasahan po kami ni Gio kung sinong mag-aayos, to be honest.
“Pero, ang sa akin lang oo, ako na lang bahala sa kunyari ‘yung wedding gown, mga ganun. Kung ‘yung mga babaeng stuff. Pero siguro ‘yung mga simbahan, ano pa ba… ‘yung mga iba, sa kanya na.
“Kasi parang feeling ko, we’re matured enough naman na alam na namin kung ano ‘yung gusto namin,” saad ni Cristine.
Hindi pa niya sinabi kung anong wedding ito. Gusto lang naman daw niya ay simple at ‘yung komportable lang sila, pati ang imbitadong guests. “It doesn’t really have to be extravagant, dahil we know what we want already. And I think it’s just for formality and you know... ‘yun lang po,” tugon nito.
Wala pa siyang sinasabi sa amin kung kailan ang wedding na maaaring ayaw lang muna niyang ibahagi ito.
Ang sabi lang ng aktres, “Kung hindi po kakayanin this year, baka next year na. Wala pa po kaming eksaktong date talaga. Pero baka... hopefully this end of the year or maybe early next year.”
Ito na kaya ang masasabi niyang dream wedding? “I guess so. Siguro po, opo,” matipid niyang pakli.
Para kay Cristine, si Atty. Gio na ang sagot sa tamang lalaking hinihintay niya. “‘Yung nga po... parang feeling ko ito ‘yung taong sa palagay ko hinihintay ko. Mas magandang ganun na lang po,” sambit nito.
Napangiti na lang si Cristine nang sinabi kong mukhang ang ate niyang si Ara ang mas excited at aligaga rin sa pagtulong sa paghahanda. “Baka mas excited pa siya, ‘yun kasi ano siya, gusto niya talaga big wedding.
“Mas nagpa-follow up po siya sa akin, more than me planning it,” napangiti niyang sagot sa amin.
Agot, malutong ang banggit sa t*t*
Dinagsa ang book launch ng National Artist na si Ricky Lee sa Manila International Book Fair.
Karamihan talaga ay mga estudyante na tagahanga nito.
Tuwang-tuwa sila sa mga artistang dumalo para magbasa ng excerpts ng mga screenplay na sinulat ni Sir Ricky,
Si Cristine ang nagbasa ng monologue ni Vilma Santos sa pelikulang Anak na kung saan ay kaeksena nito si Claudine Barretto.
Hindi pa dinaluhan ni JC Santos ang story conference ng pelikulang gagawin niya, dahil mas gusto niyang maging bahagi siya rito sa book launch ni Sir Ricky.
Binasa ni JC ang excerpts ng screenplay ng pelikulang Bukas May Pangarap na dinirek ni Gil Portes noong 1984.
Nag-collab naman sina Nour Hooshmand at Angel Aquino ng excerpts sa pelikulang Brutal ni Direk Marilou Diaz-Abaya.
Ang iba pang nagbasa ay si Nour uli sa pelikulang Labs Kita, Okey Ka Lang? nina Jolina Magdangal at Marvin Agustin.
Tuwang-tuwa ang audience nang binasa naman nina Dimples Romana at Iana Bernardez ang excerpts ng pelikulang Minsan Lang Kita Iibigin na dinirek ni Chito Roño noong 1994, na kung saan sikat pa rin ang iconic lines ni Maricel Soriano kay Zsa Zsa Padilla na “Huwag mo akong ma-Terry Terry! ‘Yung tanong ko ang sagutin mo! Are you f*ck*ng my husband?!” At sinagot ni Zsa Zsa ng “Minsan.” Palakpakan ang lahat nang binasa ito nina Dimples at Iana.
Pero pinakagusto ko ang pagbasa ni Agot Isidro ng excerpts sa pelikulang Twilight Dancers noong 2006 na ginampanan ni Cherry Pie Picache.
Kahit halatang asiwa si Agot sa mga bastos na termino, bongga ang pagbitaw niya ng linyang “Ay grabe! Genius talaga ang nakaimbento ng t*t*!”
Si Shaina Magdayao lang ang nagbasa ng isang tagpo sa pelikula na siya na rin mismo ang gumanap.
Ito ‘yung sa pelikulang Tagpuan na ginampanan din niya at nagpanalo sa kanya bilang Best Supporting Actress sa Metro Manila Film Festival nung 2020 at sa iba pang award-giving bodies. “Naku Diyos ko! Ito si Sir Ricky, grabe ang tiwala niyan sa akin, even if wala akong tiwala sa sarili ko. Nandiyan ‘yung support niya and encouragement niya,” bulalas ni Shaina nang makapanayam namin pagkatapos ng book launch.
Ang finale sa script reading ay itong gagawing pelikula nina Sir Ricky na Bernal. Si JC ang nagbasa ng linya ni Ricky Lee at si Direk Jose Javier Reyes ng Film Development Council of the Philippines ang nagbasa ng linya ng namayapang si Direk Ishmael Bernal.
Aliw ang batuhan ng linya at gets na gets ni Direk Joey ang pagbitaw ni Direk Ishma.
Ani Direk Joey nang makatsikahan namin bago nagsimula ang launching, “I was shocked when I got the script that I’m playing Bernal. Because I knew Bernal.
“Ang Bernal was the very first director who called me up after my first movie to congratulate me. So, it matters a lot. And I knew how he talked. I knew how he moved. So, Jericho Rosales humanda ka!” pahayag ni Direk Joey sabay halakhak.
Nagbigay naman ng awitin sina Bayang Barrios at Aicelle Santos-Zambrano.
Nagpasalamat si Sir Ricky sa lahat na naging bahagi ng naturang book launch at ang sabi pa niya, “Gusto kong banggitin na masaya ako na hanggang ngayon ay nagtatrabaho pa rin ako sa industriya ng pelikula. And uulitin ko, I feel proud and blessed na hanggang ngayon active pa rin ako sa ganitong industriya.”
Ang libro ni Sir Ricky na Quiapo Ilalim ay na-publish sa tulong ng Film Academy of the Philippines na pinamumunuan ni Direk Paolo Villaluna.
- Latest





















