Agatha babawi sa Asiad

MANILA, Philippines — Gagamitin ng Philippine national wushu team ang kanilang natutunan sa isang two-month training camp sa China sa pagsabak sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Mangunguna sa kampanya ng tropa si six-time Southeast Asian Games gold medalist Agatha Wong na walang nakuhang medalya sa nakaraang 2022 Asiad sa Hangzhou, China.
“I think as long as I do my best and as long as wala akong mistakes and as long as I’m very hyper-vigilant about taking care of my body, injury-free okay na iyon,” sabi ng 28-anyos na si Wong.
Nangako si Wong na ibibigay ang lahat para makamit ang kanyang kauna-unahang Asiad gold.
“I think iyong pinaka-goal ko lang this year is hindi magkamali and maipakita ko talaga iyong pinapaghirapan ko this past few months,” wika ni Wong. “So sana it will translate to a medal.”
Nag-uwi si Wong, isang third year medical student sa University of the East Ramon Magsaysay (UERM) Medical Center, ng bronze medal sa 2018 Asiad sa Jakarta-Palembang, Indonesia bago minalas sa 2022 edition sa Hangzhou.
Sasalang si Wong sa women’s taijijian/taijiquan, habang lalaro si Jenifer Kilapio sa women’s 52kg sanda.
Ang men’s team ay binubuo nina Jones Inso (taijijian/taijiquan), Alex de los Reyes (taijijian/taijiquan), Mark Lester Ragay (daoshu/gunshu), Sandrex Gainsan (changquan), Mark Polo (changquan), Carlos Baylon (sanda 56kg), Gideon Padua (sanda 60kg) at Vander Alipio (sanda 65kg).
Si Rene Catalan ang nagbigay ng nag-iisang gintong medalya ng Philippine wushu sa Asiad matapos maghari sa men’s 52kg sanda noong 2006 edition.
- Latest






















