Barko nasunog: 5 patay, 86 nawawala

MANILA, Philippines — Limang katao ang nasawi habang 86 ang nawawala matapos masunog ang isang ferry malapit sa tourist hotspot sa karagatan ng Coron, Palawan nitong Miyerkules ng gabi, September 10.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ang nasunog na barko ay ang M/V June Aster na inio-operate ng Atienza Interisland Shippling Lines na may lulang 117 pasahero at 17 crew nang mangyari ang sunog sa bahagi ng 1.2 nawtikal na milya ng karagatan sa hilagang silangan ng Brgy. Marcilla, Coron ng lalawigan.
Sa ulat, bandang alas-6:45 ng gabi nang matanggap ng mga otoridad ang impormasyon hinggil sa nasusunog na ferry kaya mabilis na nagresponde ang pinagsanib na mga elemento ng CCG Palawan,Coron MDRRMO, kasama ang iba pang mga lokal na government units at nagsagawa ng search and rescue operation.
Nabatid na galing sa Port of Manila ang barko at naglayag patungong Coron nang biglang sumiklab ang apoy na mabilis na kumalat sa barko.
Nagpanik ang mga pasahero nito na karamihan ay mga turista na magbabakasyon lamang.
Sa inisyal na ulat, ang limang narekober na bangkay ay nadala na sa pantalan habang nasa 42 naman ang nasagip at 86 pa ang pinaghahanap.
Sa mga nailigtas, 38 ang pasahero at 4 naman sa crew ng ferry.
Kasalukuyan pang inaalam ang kondisyon ng mga pasahero, crew at pinsala ng ferry at pinagmulan ng sunog.
- Latest


















