Tensyon sa BGC sumiklab rally vs Pax Silica, 16 sugatan
MANILA, Philippines — Sumiklab ang tensyon sa Bonifacio Global City (BGC) nitong Huwebes nang mauwi sa sagupaan ang kilos-protesta laban sa US-led Pax Silica initiative, na ikinasugat ng 16 katao at pagkakaaresto sa apat na raliyista.
Naganap ang insidente sa harap ng isang hotel na pinagdausan ng Luzon Economic Corridor Investment Forum, na dinaluhan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., US Ambassador Lee Lipton, mga kinatawan ng US Trade and Development Agency at iba pang dayuhang delegado.
Ayon kay Southern Police District (SPD) deputy district director for operations PCol. Robert Baesa, nasa 100 raliyista ang lumahok sa lightning rally ngunit wala silang permit para magsagawa ng kilos-protesta. Pinipilit ng mga raliyista na makapasok sa hotel kaya hinarang sila ng mga pulis.
Sinabi ni Baesa na apat ang naaresto at posibleng sampahan ng reklamong illegal assembly at iba pang paglabag. Nasa 200 pulis umano ang itinalaga sa lugar at sinikap na panatilihin ang maximum tolerance sa gitna ng kaguluhan.
Ginamot naman ng police medics ang 16 na nasaktan at nasugatan sa sagupaan. Kabilang sa mga nagprotesta ang mga grupo mula sa League of Filipino Students, Anakbayan at Kabataan Party-list, na tumututol sa Pax Silica initiative at nananawagan kay Marcos na tanggihan ang planong development sa Capas, Tarlac.
- Latest















