Mga ‘amici curiae’ sa impeachment court, pinangalanan
MANILA, Philippines — Pinangalanan na ng Senate Impeachment Court ang apat sa amici curiae o “friends of the court” na tutulong para resolbahin ang isyu ng voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Tutulong sila para resolbahin ang nakabinbing apela sa ilalim ng Rule VI at Rule XXII na inihain ni Senator-Judge Erwin Tulfo.
Pisikal na pinahaharap sa impeachment court sa darating na Setyembre 16 ang mga sumusunod na legal luminaries na sina retired Chief Justice Artemio Panganiban, retired Chief Justice Reynato Puno at retired Supreme Court Associate Justice Adolf Azcuna.
Sa pamamagitan ng supplemental Order na inilabas noong Setyembre 10, nakuha rin ng Impeachment Court ang paglahok ni dating Chief Justice Hilario G. Davide, Jr. (Ret.), na dating Presiding Officer ng impeachment trial ni dating Pangulong Estrada, sa pamamagitan ng pagsusumite ng legal memorandum sa halip na personal na pagharap.
Ang apat na nabanggit ang bumubuo sa listahan ng mga amici curiae o “friends of court” ngayon.
Sa September 16 itinakda ang pagdinig ng impeachment court sa amici curiae para hingan ang mga ito ng opinyon ukol sa voting threshold sa conviction ni VP Duterte.
Matatandaang nag-manifest si Tulfo sa gitna ng impeachment trial tungkol sa posibilidad na baguhin ang 2/3 o 16 na voting threshold sa pag-convict sa bise lalo’t apat sa mga senador ang hindi makadalo sa impeachment trial.
Kinabibilangan ang mga ito nina Senators Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada na nakakulong sa kasong plunder, si Senator Bato dela Rosa na patuloy na nagtatago at si Senator Loren Legarda na extended ang medical leave.
- Latest






















