Oftana papalit kay Brownlee sa Gilas

MANILA, Philippines — Tuluyan nang naglaho ang pag-asang maglaro si naturalized player Justin Brownlee para sa Gilas Pilipinas sa 2026 Asian Games na aarangkada na sa Biyernes sa Nagoya, Japan.
Dahil dito, pasok sa lineup si Calvin Oftana upang maging ika-12 miyembro ng Gilas Pilipinas sa Asian Games.
“Calvin was always on the list to play, but we were uncertain of his health status. He has since returned to TnT’s practice and is good to go,” ani Cone.
Si Brownlee ang nanguna sa kampanya ng Gilas Pilipinas para masungkit ang gintong medalya noong 2023 Asian Games sa Hangzhou, China.
Nakalaan sana ang huling silya sa Final 12 ng Gilas Pilipinas kay Brownlee o kay Kai Sotto.
Ngunit parehong hindi maglalaro sina Brownlee at Sotto na may kani-kanyang kadahilanan.
Kasalukuyang nagpapagaling sa injury si Brownlee sa Amerika habang may inaasikaso naman si Sotto para sa kanyang pangarap na makapaglaro sa NBA.
Dumating na si Oftana sa Japan para makasama ang Gilas Pilipinas.
Hindi naman magiging mahirap para kay Oftana na mag-adjust dahil naging bahagi na ito ng Gilas Pilipinas sa mga nakalipas na windows.
“Because of the system we are running and his previous experience in the window teams, he’s a plug and play player and will fit right in,” ani Cone.
Hindi nakapaglaro si Oftana sa second round ng FIBA World Cup Asian Qualifiers dahil sa injury.
Subalit nakarekober na ito at handang tulungan ang Gilas Pilipinas sa kampanya nito sa Asian Games.
Malaking tulong si Oftana lalo pa’t nagpalakas ang mga Asian teams kabilang na ang Bahrain na unang makakalaban ng Gilas bukas (Biyernes).
- Latest


















