EST Cola 2 araw lang binuo para sa PVL Invitationals

MANILA, Philippines — Dalawang araw lamang binuo ni head coach Wanna Buakaew ang guest team EST Cola ng Thailand para sumabak sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference.
Ito ay dahil na rin sa pagiging abala ng Thailand volleyball federation sa pagsali sa mga international tournaments kagaya ng VNL 2026, U17 World Championships, SEA V League/SEA V Cup at iba pang FIVB-sanctioned events.
Ang pagsali sa PVL Invitational Conference ay hindi kasama sa mga pinaghahandaan ng Thailand kaya limitado ang kanilang naging galawan para makabuo ng tropa.
Ngunit sa pangunguna ng 20-anyos na si Papatchaya Phontham ay tinalo ng EST Cola ang beteranong Nxled, 25-22, 25-21, 25-19, sa kanilang ‘winner-take-all’ championship game.
“I feel really happy that we were able to perform well and win the championship for Thailand. I think it helps Thailand keep developing little by little, both the players and the country,” ani Phontham.
Si Phontham ang kauna-unahang player mula sa isang guest team na hinirang na tournament MVP.
Ang Thai star hitter din ang kinilalang Best Opposite Spiker.
Ang Thai squad ang ikalawang guest team na nagreyna sa PVL matapos ang Kurashiki Ablaze ng Japan sa 2023 Invitational Conference kontra sa Creamline.
Matapos matalo sa PLDT sa kanilang unang laro ay apat na sunod na panalo ang hinataw ng mga Thai spikers papasok sa gold medal round ng PVL Invitationals.
Samantala, ang iba pang ginawaran ng parangal ay sina Gel Cayuna ng Nxled (Best Setter), Jonah Sabete-Escamillan ng Nxled at Fil-Canadian Savi Davison ng PLDT (Best Outside Spikers), Fil-Am MJ Phillips ng Nxled at Jaja Santiago-Minowa ng Creamline (Best Middle Blockers) at Kath Arado ng PLDT (Best Libero).
Papalo ang 2026 PVL All-Filipino Conference sa susunod na buwan.
- Latest





















