Malacañang: Pinas may sapat na pambayad sa mga utang
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Malacañang na may sapat na kakayahan ang pamahalaan para mabayaran ang utang ng bansa.
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro dahil karamihan naman sa mga utang ay may long term retainment period na ang ibig sabihin ay hindi kailangang bayaran agad ang malaking bahagi ng kasalukuyang utang at maaaring unti-unting bayaran lang sa principal at interest.
Giit pa ni Castro na sapat ang kita ng pamahalaan para matugunan ang mga obligasyon sa utang sa tamang panahon.
Nagpapatupad na rin aniya ng mga reporma ang administasyon para matiyak na mapapatatag at mapapalakas pa ang kakayahan ng bansa na makapagbayad ng utang sa pamamagitan ng mga ito.
Kabilang sa mga repormang isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbubuwis ay ang Promoting Growth, Revenue, and Equity towards Socio-Economic Sustainability (ProGRESS) para mapalakas ang kita ng pamahalaan at mas maayos na mapangasiwaan ang pampublikong utang.
Sinabi naman ng Department of Budget and Management o DBM na layon ng ProGress bill na magbigay ng makabuluhang tax relief habang pinapalalakas ang revenue collections ng pamahalaan para matustusan ang mahahalagang serbisyo publiko at mga pang matagalang programa ng bansa
- Latest















