Yeng, ayaw pang magkaanak

Kontrobersyal ang naging pagkikitang muli nina Yeng Constantino at Ryan Bang sa katatapos pa lamang na Biyaheng Bente concert ng singer sa Araneta Coliseum.
Nagsigawan ang audience nang kantahan ni Yeng si Ryan habang magkahawak ang kanilang mga kamay. Nabanggit ni Yeng noong gabi ng concert na na-seenzone umano siya ng binata noon. “After the concert, nagmensahe po ako sa kanya. ‘Kamusta ka?’ Kasi lahat po nag-aalala sa kanya pati mga handlers ko. At nag-reply po siya sa akin. Super happy ako kasi naging vulnerable siya sa akin. I also just want to correct ‘yung nasabi ko no’ng concert na, na-seenzone ako. Kasi there’s a deeper reason pala kaya kami nag-drift apart,” kwento sa amin ni Yeng sa Fast Talk with Boy Abunda.
Matatandaang nanligaw si Ryan kay Yeng mahigit isang dekada na ang nakalilipas. Taong 2015 naman nang ikasal sina Yeng at Yan Asuncion. Inakala ni Ryan noon na hindi siya ang tipo ng lalaki ni Yeng. Nanliit umano ang binata noong mga panahong nililigawan pa ang singer dahil talagang gipit pa sa pera.
Noong isang linggo ay naging emosyonal si Ryan sa It’s Showtime at sinabi na, “Makahanap kaya ako siyempre tulad ni Yeng? No’ng umpisa ko wala akong pambayad ng date. Wala akong kotse. Wala akong pera. Paulit-ulit ‘yung damit ko pero may chance pala ako sa kanya. Makakahanap kaya ako ng gano’n?” lumuluhang pagbabahagi ni Ryan sa noontime show.
Matatandaang nagkahiwalay si Ryan at ang fiancée na si Paola Huyong ilang buwan na ang nakalilipas. “Nalaman ko lang po ‘yan after the concert. Minessage niya ako, ‘Alam mo ba, nag-aral ako magluto for you kasi hindi kita kaya ilibre (sa labas). Sabi ni Ryan, sinabi ko kay Ryan na pasensya na hindi kasi ako pumupunta sa bahay ng lalaki. Nagtampo siya kasi that week kaming magkaka-Bible group kasama sina Kuya Richard (Poon), Kuya Sam (Milby), si Erik (Santos), pero may kasama rin po kaming babae, nagpunta kaming Tagaytay. So sa isip niya, ‘sabi mo hindi ka napunta sa bahay ng lalaki. Pero bakit ang kasama mong mag-out of town puro lalaki din?’ Sabi ko sa kanya, salamat for opening up. At least naintindihan ko. That really hurt him. Actually, isa lang po ‘yan sa mga rason. Marami pa po siyang na-message sa akin na mas naintindihan ko siya. Sabi ko, ‘Ay! Grabe!’ May asawa na rin naman po ako. Kaya rin po namin siya napag-usapan, it’s very important to explain to him ‘yung mga nangyari. So walang mga misunderstanding. Natuwa ako sa conversation naming dalawa. Parang na-close namin siya nang maayos,” makahulugang pahayag ng singer.
Samantala, kahit 11 taon nang kasal ay wala pa ring planong magkaanak sina Yeng at Yan. Ayon sa singer ay mayroon pa siyang mga responsibilidad sa kanyang pinanggalingang pamilya. “My mom passed away five years ago. No’ng bago po namatay si mama, ang talagang ibinilin sa akin ay mga kapatid ko at saka po si papa. So, I talked to my husband. Sabi ko, ‘Love, alam mo kasi tayo ‘yung bini-bless ni God eh and ang daming dumadating na biyaya. I guess ‘yung way ng mama ko na ibinilin sa akin ‘yung mga kapatid ko is talagang kung bakit tayo binubuhusan ni Lord, meron siyang dahilan. For example, ‘yung ate ko po nagka-cancer this year. So, kami pong mag-asawa ‘yung nagtutulungan do’n. I think kung will ni Lord, kung mangyari po (na magkaanak), okay. Pero po right now, I’m just so happy na ako ‘yung naka-assign sa family ko to help them,” pagbabahagi ni Yeng. — Reports from JCC
- Latest























