1 todas, 2 sugatan sa pamamaril sa General Trias City

CAVITE, Philippines — Isa ang kumpirmadong patay habang dalawa pa ang sugatan sa naganap na pamamaril sa Brgy. San Francisco, Gen. Trias City, kamakalawa.
Dead-on-the-spot matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktima na si alyas “Abraham” na naglalakad lang sa lugar patungo ng tindahan.
Sugatan at ginagamot sa opsital ang dalawa pa na siyang mga target umano sa pamamaril na sina alyas “Mohaimen”, 43, at Ronelio, 48; kapwa residente ng naturang barangay.
Base sa ulat, ala-1 ng hapon habang nakaupo at nag-uusap sina Mohaimen at Ronelio sa tabi ng kalsada sa Tropical Village Pabahay 2000 nang dumating ang tatlong lalaki. Dalawa rito ang agad bumunot ng baril at pinagbabaril ang mga biktima.
Napalingon ang naglalakad na si Abraham na patungo sana sa tindahan nang marinig nito ang mga putok ng baril subalit pinagbalingan din siya ng mga suspek at binaril sa ulo bago mabilis na nagsitakas kaya siya ang napuruhan.
Agad na naitakbo sa pagamutan ang mga biktima subalit hindi na umabot ng buhay si Abraham.
Isa sa tatlong suspek na tinutugis ay nakilalang si alyas John, residente rin sa nasabing subdivision.
- Latest





















