Grade 8 sinaksak sa leeg ng Grade 11 sa iskul

Kantiyawan nauwi sa away
COTABATO CITY, Philippines — Nasa maselang kalagayan ang isang Grade 8 student matapos pagsasaksakin ng kaeskuwelang Grade 11 student dahil sa umano’y kantiyawan na nauwi sa kanilang matinding away sa loob ng school campus sa Purok 1, Barangay Buayan, General Santos City nitong Lunes.
Ayon sa ulat, agad na isinugod ng mga guro sa ospital ang 15-anyos na biktima, mag-aaral ng Buayan National High School (BNHS), matapos siyang magtamo ng mga tama ng saksak sa leeg at tiyan gamit ang isang kutsilyo.
Sinabi ng mga opisyal ng naturang paaralan, ang 18-anyos na Grade 11 student na sumaksak sa kaeskuwela ay dinakip sa campus ng mga security guards at guro ng BNHS at ipinasa sa personnel ng General Santos City Police Office na rumesponde sa insidente.
Sinabi ng mga kaklase ng biktima sa mga imbestigador na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang biktima at suspek sa hindi idinatalyeng dahilan. Pero usap-usapan na nagkaroon ng kantiyawan na nauwi sa pagkapikon at pananaksak ng suspek sa biktima.
Nagpadala na ang GenSan LGU ng social workers at psychologist upang asistehan ang Grade 8 student sa nasugatan sa insidente at tingnan din ang kalagayan ng suspek na nasa joint custody ng mga guro ng BNHS at pulisya.
- Latest

















