Ex-Con na ikinanta mga ‘tulak’, itinumba

MANILA, Philippines — Todas ang 26-anyos na lalaki na dating nakulong dahil sa droga matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek na hinihinalang ‘tulak’ sa Quezon City, nitong Linggo ng madaling araw.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ala-1:40 ng madaling araw nitong Linggo (September 6), nang mangyari ang pamamaril sa biktimang si alyas “Elicana”, 26, residente ng Sto. Niño De Payatas, St., Brgy. Payatas A, QC sa Beatriz St., Brgy. Payatas A, sa lungsod.
Batay sa imbestigasyon nina PMSg George A Caculba at PCpl Benito Catungal, nasa loob ng kanyang tahanan ang saksi na si alyas “Chavez”, nang makarinig siya ng isang putok ng baril mula sa labas.
Nang kaniyang usisain, nakita ang biktima na duguang nakabulagta kaya agad niyang ini-report sa Brgy. Payatas at kalaunan ay ipinagbigay-alam sa Payatas Police Station.
Agad na dinala ang biktima sa Rosario Maclang Bautista General Hospital, ngunit idineklara na siyang dead-on-arrival bandang ala-1:55 ng madaling-araw ni Dr. Carlo Alipio Llido dahil sa tama ng bala sa ulo.
Nabatid ng pulisya sa ina ng biktima na nahatulan na noon ang anak dahil sa paglabag sa R.A. 9165 noong 2022 at nakalaya mula sa Quezon City Jail noong 2024. Inamin din ng ina ng biktima na kamakailan ay nagbibigay ng impormasyon ang kanyang anak sa mga awtoridad hinggil sa mga hinihinalang ‘tulak’ ng droga sa kahabaan ng San Miguel St., Brgy. Payatas. Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen para sa posibleng pagkakakilanlan.
- Latest

















