Chinese national, arestado sa visa scam at extortion

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Criminal Intelligence Division (NBI-CRID) ang isang Chinese national sa isinagawang entrapment operation kaugnay sa modus operandi na mangikil sa banyaga sa visa processing sa isang restaurant sa Pasay City, nitong Sabado.
Batay sa ulat, malakihang visa processing scam at robbery-extortion ang ginagawa ng suspek na Tsino na nagpapakilalang may koneksyon at impluwensya siya sa Bureau of Immigration (BI), sa mga biktimang mamamayan ng China, Taiwan at Vietnam.
Sa video na inilabas ng NBI, huli sa akto ang pagtanggap ng marked money ng suspek nang makipagkita sa mga biktima na hiningan ng malaking halaga kapalit ng pagsosoli ng kanilang visa.
Sa naturang operasyon, matagumpay na nabawi ng NBI ang 22 dayuhang pasaporte na pagmamay-ari ng mga biktima mula sa China, Vietnam, at Taiwan.
Nakumbinsi umano ng suspek na may influential connections siya para iproseso sa BI ang kanilang visa renewal applications, subalit lumabas sa beripikasyon na walang inihaing aplikasyon, kundi itinatago lamang ng suspek upang makapangikil ng tig P150,000.00.
Ang kawalan ng mga pasaporte at dokumento ay nagdulot ng matinding panganib sa mga biktima dahil sa kawalan ng legal na pagkakakilanlan at kakayahang bumiyahe.
Pormal nang sasampahan ang suspek ng mga kasong Robbery-Extortion, Estafa, Grave Coercion at Resistance and Disobedience, Obstruction of Justice.
- Latest















