Progella, Pagara wagi; ‘SiPons’ olats sa AVC meet
MANILA, Philippines — Winalis nina Khylem Progella at Sofiah Pagara sina Kristina Karimova at Yekaterina Ryukhova ng Kazakhstan, 21–13, 21–14, sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa Pool C ng women’s division ng 2026 AVC Beach Volleyball Continental Championship kahapon sa Shangluo, China.
Ipinakita nina Progella at Pagara ang kanilang bagsik nang hindi papormahin ang mas matatangkad na sina Karimova at Ryukhova.
Sunod na lalabanan nina Progella at Pagara sina Zamira Shagraeva at Odina Uralova ng Uzbekistan ngayong hapon.
Nanggaling sina Progella at Pagara sa panalo sa nakaraang 2026 Volleyball World Beach Pro Tour Futures sa Busan, South Korea kung saan nila sinapawan sina Sisi Rondina at Bernadeth Pons sa isang all-Filipina final.
Minalas naman sina Rondina at Pons kina Patcharaporn Seehawong at Salinda Mungkhon ng Thailand, 13-21, 21-19, 13-15, sa Pool E.
Nakatakdang harapin nina Rondina at Pons sina Malikakhon Tursunpulatova at Guzaloy Mamatsodikova ng Uzbekistan sa alas-10:40 ng umaga kasunod sina Jasmine Fleming at Elizabeth Alchin ng Australia sa alas-8:40 ng gabi.
- Latest


















