Baha ang kampo, pero pulis sa PRO3 trabaho pa!
Hindi biro itong pinagdaanan ng mga pulis sa Central Luzon! Habang lubog sa baha ang ilang lugar—pati ang mismong kampo ng Police Regional Office 3 sa San Fernando, Pampanga—tuloy pa rin ang trabaho. At hindi lang rescue, evacuation at clearing operations ang inasikaso ng mga tauhan ni PRO3 director Brig. Gen. Jess B. Mendez.
Tuloy rin ang habulan laban sa mga wanted. Sa pagtatapos ng Agosto, umabot sa 1,215 wanted persons ang naaresto ng PRO3 sa pinaigting na manhunt operations at pagsisilbi ng mga warrant of arrest sa iba’t ibang bahagi ng Central Luzon. Ang ibig sabihin, kahit baha, hindi nakalusot ang mga may atraso sa batas. Dipugaaaaa! Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Habang ang karamihan sa mga pulis ay nasa evacuation at rescue operations, ang iba naman ay patuloy na naghahanap at umaaresto sa mga taong may nakabinbing warrant. May mga tauhan pa ngang patuloy na pumapasok sa trabaho kahit sarili nilang pamilya ay apektado rin ng pagbaha. Ito ang klase ng sitwasyong sinusubok, hindi lamang ang kagamitan ng isang organisasyon, kundi pati ang tibay at dedikasyon ng mga tao nito.
Sa ilalim ng “Own the Project” principle, direktang pinananagot ni Mendez ang bawat Chief of Police sa kampanya laban sa wanted persons sa kani-kanilang nasasakupan. Walang turuan. Walang dahilan. Kapag may warrant, hanapin at iharap sa korte ang wanted. Purbidang yawaahhhhh! Maganda ang naging resulta, pero ayon kay Mendez, hindi puwedeng maging dahilan ang numero para mag-relax. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Samantala, hindi rin pinabayaan ni Mendez ang kanyang mga tauhan na halos araw-araw ay nakikipagsapalaran sa baha. Nagpamudmod ang PRO3 chief ng jumper boots, pagkain at relief assistance sa mga personnel na patuloy na nagre-report for duty kahit baha ang loob at paligid ng kampo. Naglaan din ng Libreng Sakay upang matulungan silang makapasok at makauwi sa gitna ng masamang kondisyon ng panahon. “Supporting the personnel on the ground means making sure they have what they need to keep doing their job safely and effectively,” ani Mendez. Sal-it!
Simple lang ang punto. Kung gusto mong tuloy-tuloy ang serbisyo sa publiko, kailangan mo ring alagaan ang mga taong nasa likod ng serbisyong iyon. Dahil sa PRO3 nitong mga nakaraang araw, malinaw ang larawan—baha ang kampo, baha ang ilang komunidad, pero hindi binaha ang serbisyo. Abangan!
- Latest

















