Testimonya ng natitirang ‘Maleta Boys’ humina

Sa pagbawi ni Guteza sa testimonya
MANILA, Philippines — Iginiit ng isang abogado na humina ang kredibilidad ng mga natitirang miyembro ng tinaguriang “Maleta Boys” matapos bawiin ni Orly Guteza ang kanyang naunang testimonya kaugnay ng umano’y paghahatid ng kickback mula sa mga maanomalyang flood control project.
Ayon kay abogado Antonio “Audie” Bucoy, hindi dapat nakabatay sa rami ng testigo ang isang kaso kundi sa kalidad at kredibilidad ng kanilang mga pahayag. Tinukoy niya ang pagbawi ng ilang miyembro ng grupo at ang mga salaysay ng 25 dating tauhan ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co na umano’y pinabulaanan ang alegasyon ng unang 18 miyembro ng “Maleta Boys”.
Sinabi ni Bucoy na mahalaga ang pagbawi ni Guteza dahil siya umano ang unang nag-akusa kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee. Aniya, matapos bawiin ni Guteza ang kanyang pahayag at sabihin na napilitan lamang siyang gumawa nito, kasabay ng pagtutol ng iba pang testigo, nawalan umano ng sapat na batayan ang natitirang mga alegasyon.
Inakusahan din ni Bucoy ang Ombudsman ng umano’y “selective prosecution” sa imbestigasyon ng flood control scam, dahil aniya ay tila pinipili lamang ang mga ebidensiyang gagamitin laban sa ilang opisyal. Wala pang inilalabas na pahayag ang Ombudsman kaugnay ng mga alegasyon ng abogado.
- Latest



















