2 todas, sanggol kritikal sa Marawi shootout!
COTABATO CITY , Philippines — Patay ang dalawa katao kabilang ang isang ginang habang malubhang nasugatan ang isang 6-buwang gulang na sanggol nang mauwi sa shootout ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa kaanak ng mga biktima na wanted sa terorismo at iba’t ibang kasong kriminal sa pinagtataguang bahay sa Barangay Tampilong, Marawi City, Lanao del Sur, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ng Marawi Police ang mga nasawi na sina Mohaimen Hadji Ali Darimbang, may asawa, at Nesren Camar Solaiman, may asawa; pawang residente sa Brgy. Bangon. Marawi City, Lanao del Sur.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas ang sanggol na nadatnang duguan sa loob ng bahay.
Sa ulat ng pulisya kahapon, ang target sa operasyon na si Kadapi Mimbesa Mortiaba alyas “Engineer”, may-asawa, magsasaka at residente ng Brgy. Bagoaingud, Masiu, Lanao del Sur, ay nakatakas sa gitna ng putukan na ngayo’y patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.
Nabatid na isisilbi sana ng mga pulis ang warrant of arrest laban kay Mortiaba na inilabas ng korte ng Iligan City, may petsang October 11, 2024, at nilagdaan ni Judge Alberto Rantonial Quinto, nang mauwi sa madugong barilan ang insidente.
Ayon naman sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), aarestuhin na sana si Mortiaba na naispatan sa loob ng bahay sa Brgy. Tampilong pero imbes na makipagtulungan sina Darimbang at Solaiman na nasa loob din ay pinaputukan nila ang mga operatiba na nagbunsod ng barilan.
Ang armadong sina Darimbang at Solaiman ay agad nasawi dahil sa mga tinamong mga tama ng bala.
Sa ulat, isang granada na iniwan ni Mortiaba ang sumabog bago siya tumakas sanhi ng matinding pagkasugat ng sanggol.
Narekober ng pulisya sa loob ng nasabing bahay ang iba’t ibang baril at mga bala.
- Latest























