Magkapatid na paslit patay sa sunog

MANILA, Philippines — Isang magkapatid na paslit ang nasawi matapos hindi nakalabas sa nasusunog nilang bahay sa Brgy. Sto. Domingo, Quezon City, nitong Sabado ng gabi.
Ang mga nasawing biktima ay kinilala sa alyas na “NTEH,” 6-anyos na lalaki, at “NTLH,” 7-anyos na babae, kapwa residente ng nasabing barangay.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang sunog, alas-10:30 ng gabi noong Agosto 29 sa isang bahay sa kanto ng Don Jose at Samat Streets.
Sa imbestigasyon ni SFO1 Richard Caramat ng Quezon City Fire District, natutulog ang lolo ng mga bata na si alyas “Andy” nang magising dahil sa usok.
Agad siyang humingi ng tulong at nakalabas sa pamamagitan ng fire exit.
Natukoy na nagmula ang apoy sa silid ng magkapatid na nasa ikalawang palapag na hinihinalang sanhi ay ang naiwan umanong nakasinding kandila.
Nakontrol ang apoy alas-1:31 ng madaling araw at tuluyang naapula alas-3:06 ng umaga nitong Linggo.
Tatlong bahay ang nadamay sa insidente habang walong katao ang nasugatan at dinala sa Quezon City General Hospital para sa agarang lunas.
Isinailalim naman sa pagsusuri ng SOCO Team ng QCPD Forensic Unit ang mga labi ng magkapatid na nagtamo ng matinding pagkasunog.
- Latest















