Eala vs Stoiana kasado na

MANILA, Philippines — Pinangalanan na ang makakasagupa ni world No. 18 Alex Eala sa unang pagsalang nito sa US Open na ginaganap sa USTA Billie Jean King Center sa Flushing Meadows, New York.
Sasagupain ni Eala sa opening round si Mary Stoiana ng Amerika na dumaan sa qualifying tournament para makahirit ng tiket sa main draw ng torneo.
Kinailangan ni Stoiana na magtala ng tatlong panalo para makapasok sa main draw.
Unang tinalo ni Stoiana si Harmony Tan ng France, 6-4, 6-3, kasunod si Katie Swan ng Great Britain, 6-7 (5), 6-3, 6-3, at si Yue Yuan ng China sa final round, 6-3, 4-6, 6-4.
Bahagyang pagod si Stoiana subalit walang balak si Eala na magpakampante.
Nakatakdang magharap ang No. 17 seed na si Eala at qualifier na si Stoiana sa Lunes or Martes depende sa ilalabas na schedule ng mga organizers.
Hindi ito ang unang paghaharap nina Eala at Stoiana.
Nagwagi na si Eala kay Stoiana sa Round of 16 ng 2024 ITF 1000 Koser Jewelers Tennis Challenge na ginanap sa Pennsylvania.
Parehong nagsisimula pa lamang sina Eala at Stoiana ng mga panahon na iyon.
Kaya naman ibang usapan na ang kasalukuyang estado lalo pa’t muli silang maghaharap sa isang Grand Slam event.
Mataas ang moral ni Eala na galing sa exhibition match “Stars of the Open” kasama ang kaibigang si Iva Jovic ng Amerika.
Nakapaglaro rin si Eala ng mixed doubles kapares si world No. 4 Felix Auger-Aliassime ng Canada.
Pukpukan din ito sa ensayo kung saan nakasama nito sa training session si Grand Slam winner Venus Williams.
Kung mananalo si Eala kay Stoiana, makakalaban nito sa second round ang magwawagi kina Oleksandra Oliynykova ng Ukraine at Reese Brantmeier ng Amerika.
Gaya ng inaasahan, dinudumog ng fans si Eala saan man ito magpunta sa New York.
Kaya’t malaki ang pasasalamat nito sa suportang ibinibigay sa kanya ng mga Pinoys fans maging ng ibang lahi na tumututok sa kanyang laban.
- Latest




















