Barbie, first time nagpa-bongga ng birthday party

Noong isang buwan ay ipinagdiwang ni Barbie Forteza ang kanyang ika-29 na kaarawan.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay naranasan umano ni Barbie na magkaroon ng isang magarbong selebrasyon. “Sa tagal ko po nagtatrabaho, unang beses ko pong nag-celebrate ng medyo malaking party. Kasi sanay po ako na kami ng parents ko, kakain lang kami, steak or seafood, ganyan. Ngayon, first time ko na medyo may pa-party, sobrang saya. Ako rin po ang nag-asikaso ng lahat. Sobrang saya ko no’ng gabing ‘yon talaga. People na nando’n talaga, close to my heart. Naging parte na rin talaga ng buhay ko, ng karera ko talaga dito sa GMA. I have so much to celebrate. It’s long overdue na mag-celebrate ako that way. Also, the people I care about the most, so ‘yon,” nakangiting kwento sa amin ni Barbie sa Fast Talk with Boy Abunda.
Mahigit dalawang dekada nang aktibo ang aktres sa show business. Lubos ang pasasalamat ni Barbie para sa lahat ng tagumpay na kanyang tinatamasa ngayon. Ayon sa dalaga ay hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan sa industriya. “Trinabaho namin ng buong pamilya kung nasaan man ako ngayon. Kapag may audition po ako sa GMA, sasakay po kami ng bus sa palengke ng Biñan. Meron do’ng terminal ng bus, ihahatid kami do’n ng tatay ko. Tapos magbu-bus kami hanggang Magallanes, tapos mag-MRT ako hanggang GMA Kamuning. Nakatayo pa kami ni mama kasi usually rush hour pa kami nagpupunta do’n. Tapos after no’n, pipila pa kami sa audition siyempre. Wala namang special treatment sa amin noon. Siguro tatagal ‘yung audition ng limang oras. Tapos kakain kami ni mama ng beef mami, isa lang kasi hindi na kaya ng budget namin na dalawang beef mami. So sabaw na lang si mama, tapos ako ‘yung noodles. Tapos kapag pauwi na kami, pipila naman kami either sa terminal ng UV express or bus. Tapos doon may nagtitinda ng mga biskwit or otap. Tapos sinusundo kami ni daddy ulit pagdating sa Biñan,” pagbabalik-tanaw ng dalaga.
Isa si Barbie sa mga pinakasikat na aktres sa kanyang henerasyon. Hindi umano inilalagay sa ulo ng dalaga ang kanyang kasikatan dahil na rin sa tulong ng kanyang mga mahal sa buhay. “I always have my family to remind me. Paborito naming bonding, kakain kami ng champorado sa bahay or sopas. Usap-usap kami, chika-chika. Si mama ang hilig magkwento tungkol sa BTS, mga pinapanood niyang mga series ngayon. So, mas doon ko nafo-focus ‘yung sarili ko after having been on the limelight para makabalik ako sa reality ko. Pagkatapos no’n ibi-video call ko ‘yung kapatid ko sa America, kasama ng pamangkin ko. Trato nila sa akin si Barbie pa rin na talagang bata, ganyan. Kumbaga nabubura ‘yung obligasyon ko bilang artista at bilang adult kapag kasama ko sila. Kasi kapag kasama ko ‘yung pamilya ko, bunso pa rin ang trato nila sa akin,” pagdedetalye niya.
Sa loob ng dalawang dekada ay marami nang pagsubok ang nalampasan ni Barbie sa industriya. Mayroong mensahe ang dalaga para sa sarili. “It’s okay to not be okay. As long as you know where you’re heading, and wala kang inaapakang ibang tao. And malinaw sa iyo ang end goal mo, you’ll be fine. You’ll always be fine,” makahulugang pagtatapos ng Kapuso actress. — Reports from JCC
- Latest





















