Nurse todas sa gumuhong waiting shed
MANILA, Philippines — Isang 35-anyos na nurse ang nasawi matapos matamaan nang gumuhong waiting shed sa Sierra Island, Barangay Canhawan Gote sa Catbalogan City, nitong Huwebes ng hapon.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si Kelvin Castro, nurse ng Department of Health (DOH) na naka-assign sa Catbalogan City Health Office at residente ng Barangay Canlapwas sa nasabing siyudad.
Sa ulat ng pulisya, isa si Castro sa mga nurse na nagsagawa ng measles-rubella vaccination sa nasabing barangay.
Pagkatapos ng kanilang aktibidad, nagtungo ito at isa pang nurse sa docking area ng mga motorboat upang hintayin ang kanilang masasakyan pabalik sa mainland.
Habang naghihintay, nakaupo si Castro sa ilalim ng waiting shed nang biglang bumagsak ang bahagi ng konkretong estruktura.
Natamaan ito at nagtamo nang malulubhang pinsala sa katawan, partikular sa ulo.
Nagtulung-tulong ang ilang residente at rescuers upang makuha si Castro mula sa ilalim ng bumagsak na istruktura at maisugod sa hospital.
Nadala si Castro sa Samar Provincial Hospital, subalit binawian din ito ng buhay.
Patuloy ang imbestigasyon ng Catbalogan police upang matukoy ang eksaktong dahilan nang pagbagsak ng istraktura at kung may mayroon dapat managot sa insidente.
- Latest




















