3 bata nagtampisaw sa dagat, 1 lunod
CAVITE , Philippines — Isang 8-anyos na batang lalaki ang natagpuang patay makaraang tangayin ng alon habang naliligo sa karagatan kasama ang dalawang kapwa bata sa Brgy. 8 Pulo, Cavite City, kamakalawa.
Pasado alas-4 na ng madaling araw nang marekober ang katawan ng totoy na residente sa Las Pinas City.
Base sa imbestigasyon, alas-4 ng hapon, kasama umano ng dalawa pang menor-de-edad ang biktima, nang maligo sila sa dagat.
Habang masayang nagtatampisaw, biglang lumakas ang alon dahilan upang tangayin ang biktima habang nakaahon naman ang dalawang kaibigan.
Agad nagsagawa ng retrieval operation ang Cavite City CDRRMO, mga miyembro ng Philippine Coast Guard, mga opisyal ng Barangay, mga mangingisda, at residente pero bigo silang matagpuan ang biktima dahil na rin sa malakas na pag-ulan at alon.
Gayunman, makalipas ang may 12 oras, natagpuan ang katawan ng totoy hindi kalayuan kung saan siya tinangay nang malakas na alon.
- Latest
















