Eala haharap kontra qualifier sa US Open 1st round
MANILA, Philippines — Base sa inilabas na draw, sasagupain ni Alex Eala ang isang qualifier sa opening round ng US Open women’s singles na raratsada sa Agosto 30 sa USTA Billie Jean King National Tennis Center sa New York.
Pormal nang inupuan ni Eala ang No. 17 seed sa naturang Grand Slam event — ang pinakamataas na seed ng Pinay netter sa kanyang professional tennis career.
Sakaling manaig ito sa opening round, makakasagupa ni Eala sa second round ang magwawagi sa pagitan nina Oleksandra Oliynykova ng Ukraine at Reese Brantmeier ng Amerika.
Nagharap na sina Eala at Oliynykova sa Round of 32 sa Strasbourg Open noong Mayo kung saan natalo ang Pinay netter sa iskor na 6-3, 5-7, 3-6.
Hindi pa naghaharap sina Eala at Brantmeier sa anumang WTA Tour game.
Nasa draw din ni Eala ang kaibigang si Iva Jovic ng Amerika na posible nitong makaharap sa third round gayundin si dating US Open champion Coco Gauff ng Amerika sa fourth round.
Nakaabang din sina French Open champion Mirra Andreeva ng Russia sa quarterfinals, world No. 2 Elena Rybakina ng Kazakhstan sa semifinals at top seed Aryna Sabalenka ng Belarus sa finals.
- Latest
















