PUJ vs truck: 2 menor patay, 11 sugatan
MANILA, Philippines — Dalawang menor-de- edad ang nasawi habang sugatan ang 11 iba pa matapos umanong mawalan ng preno ang isang wing van truck at bumangga sa isang pampasaherong jeepney sa National Highway sa Barangay Concepcion, Batangas City nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ng pulisya ang dalawang nasawi na sina “AAA” at “BBB,” kapwa menor-de-edad, mga estudyante at residente ng Barangay Simlong, Batangas City.
Nasugatan naman ang mga sakay ng jeep na sina Paul, 43; Arlene, 54; Michelle, 45; Edna, 58; Aries, 55; Josie, 51; Jeraldine, 53; Engracia, 77; Damiana, 69; Richard, 32; at Dominador, 58, driver ng jeepney.
Sa inisyal na ulat, alas-12:52 ng tanghali ay minamaneho ni Ronnie, 55, ang Isuzu wing van truck at bumibiyahe sa inner lane ng National Highway patungo sa Barangay Mahabang Parang.
Pagdating sa lugar ay nawalan umano ng preno ang truck dahilan upang mawalan ng kontrol si Ronnie sa sasakyan.
Sinubukan umano ni Ronnie na iwasan ang mga sasakyang nasa unahan na nakahinto upang magbigay-daan sa mga motoristang tumatawid sa kalsada.
Nang umiwas sa kanan ay tumama ang unahang bahagi nito sa kanang bahagi ng Isuzu jeepney na minamaneho ni Dominador.
Tumatawid doon ang jeepney sa highway at nasa entrance ramp na ng Eternal Gardens nang mabangga.
- Latest


















