Lucency sinikwat King’s Cup crown
MANILA, Philippines — Nakapanood ng magandang bakbakan sa rektahan ang mga karerista nang manalo ang Lucency sa naganap na 2026 MMTCI 2nd Leg King’s Cup 4-Year-Old & Aboce Imported Horse noong Linggo ng hapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Isa sa malaking karera ng taon ang King’s Cup dahil sa laki ng premyo na ipinamumudmod kaya naman sinasalihan ito ng mga tigasing kabayo.
Mabilis na lumabas ng aparato ang Anytime Anywhere upang hawakan agad ang unahan nakasunod ang Sherbet Fountain habang nagpupukpukan sa tersero ang Lucency at Every Four Years.
Lamang ng dalawang kabayo ang Anytime Anywhere sa Sherbet Fountain sa unang kurbada subalit pagdating ng kalagitnaan ng karera ay kumapit na sa unahan ang Lucency at Top Customer.
Pagka-agaw ng Sherbet Fountain ang bandera ay dinikitan ito ng Lucency at Readytoriskitall sa karerang puwedeng sumali ang mga local horses.
Hindi naging madali ang pagkuha ng Lucency ng unahan dahil nakapanabayan nito ang Readytoriskitall habang papalapit sila ng home turn.
Mas lalong naging mainit ang labanan sa diretsuhan dahil ngusuan ang laban sa pagsilo ng unahan.
Sa huling 25 metro ng karera umungos ng bahagya ang Lucency, tinawid nito ang meta ng may leeg lang ang pagitan sa tiyempong 1:36.2 minuto.
Pumangalawang Readytoriskitall, tersero ang Every Four Years habang pumang-apat ang Murabeh.
- Latest
















