Motor nag-overshoot, salpok sa FX: 2 patay!

MANILA, Philippines — Patay ang rider at kanyang angkas nang bumangga sa kasalubong na utility vehicle dahil sa pag-overshoot sa pakurbadang bahagi ng Marilaque Highway, Barangay Pinugay, Baras, Rizal, Linggo ng madaling araw.
Unang binawian ng buhay 19-anyos na rider habang ang angkas, na kaedad niya, ay bumigay din makalipas ang ilang oras habang nilalapatan ng lunas sa ospital.
Sa ulat, sinabi ni Police Major Amadeo Baby Estrella, hepe ng Baras Municipal Station na --“Nag-overshoot sila sir at bumangga sa isang Toyota Tamaraw FX na nagresulta sa death ‘nung driver ng PCX (motorsiklo). Nadala naman po ‘yung angkas niya sa (ospital) pero after a few hours sir, namatay na rin po ‘yung passenger.”
Ayon naman sa Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO), naganap ang insidente dakong alas-12:45 ng madaling araw ng Agosto 23, sa nasabing highway.
Lumihis umano sa palikong bahagi ng kalsada ang motorsiklo at bumangga sa isang Toyota Tamaraw FX na patungo sa Tanay na nasa opposite lane.
Hindi na natuloy ang pagsasampa sa FX driver ng mga reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property, matapos magkaroon ng kasunduan ang mga partido na magbibigay ng tulong pinansyal.
- Latest























